Home NATIONWIDE Mga nakakulong, ‘at large’ na senador boluntaryong ‘di kumukuha ng sahod —...

Mga nakakulong, ‘at large’ na senador boluntaryong ‘di kumukuha ng sahod — Win

1
0

MANILA, Philippines — Boluntaryong hindi kumukuha ng kanilang sahod ang mga senador na kasalukuyang nakakulong at ang isang senador na “at large,” ayon kay Senate President Win Gatchalian.

“Yung mga senators na naka-detain and senator at large, hindi rin nila kinukuha ang sweldo nila voluntarily,” sinabi ni Gatchalian sa mga mamamahayag nitong Huwebes, Agosto 27.

Kasalukuyang nakakulong sina Sens. Jinggoy Estrada at Rodante Marcoleta, na kapwa nahaharap sa mga kasong may kaugnayan sa umano’y anomalya sa flood control projects. Nasa hurisdiksyon sila ng Sandiganbayan.

Samantala, nananatiling at large si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, na may arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng kasong crimes against humanity na nag-ugat sa war on drugs ng administrasyong Duterte. Itinatanggi ni Dela Rosa ang mga paratang laban sa kanya.

Ayon kay Gatchalian, walang kapangyarihan ang Senado na magpasya kung maaaring lumabas sa kustodiya ang isang nakakulong na senador upang dumalo sa sesyon, impeachment trial o iba pang tungkulin.

“Nasa court ’yan,” aniya.

Paliwanag niya, kapag nasa hurisdiksyon na ng korte ang isang indibidwal, korte lamang ang maaaring magpahintulot kung maaari itong lumabas para magpagamot o gampanan ang trabaho.

Nauna na ring sinabi ng Malacañang na nasa Sandiganbayan ang pagpapasya sa anumang kahilingan nina Estrada at Marcoleta na pansamantalang makalabas upang makadalo sa mga gawain ng Senado.

Sinabi rin ni Gatchalian na maaaring mapabilang sa hindi nagastos na pondo ng Senado ang mga sahod na hindi kinukuha ng mga senador at kalaunan ay maideklara bilang savings.

Bukod sa mga ito, hindi rin umano tumatanggap ng sahod si Sen. Loren Legarda habang naka-medical leave. Ayon kay Gatchalian, inatasan ang accounting at payroll offices ng Senado na suspendihin ang pagpapalabas ng kanyang sahod matapos siyang maghain ng leave.

Nauna nang sinabi ni Gatchalian na walang umiiral na awtomatikong “no work, no pay” rule para sa mga senador na lumiliban sa sesyon, kaya hiwalay dito ang boluntaryong hindi pagtanggap ng sahod ng mga nabanggit na mambabatas. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here