Home NATIONWIDE P7.2T panukalang 2027 budget, manipis pa mula sa orihinal na P11T hirit...

P7.2T panukalang 2027 budget, manipis pa mula sa orihinal na P11T hirit — DBM

1
0

MANILA, Philippines — Mahigit P11 trilyong budget proposals mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno ang sinala ng Department of Budget and Management (DBM) bago nabuo ang P7.2-trilyong proposed national budget para sa 2027.

Sa pagdinig ng Senate committee on finance nitong Huwebes, Agosto 27, sinabi ni Acting Budget Secretary Kim Robert de Leon na mahigit P3 trilyong halaga ng mga panukalang paggasta ang hindi isinama sa National Expenditure Program (NEP) dahil sa iba’t ibang dahilan.

Kabilang dito ang mga proposal na kulang umano sa patunay na handa nang ipatupad, gaya ng kawalan ng detalyadong feasibility studies at engineering plans.

Nauna nang sinabi ng DBM na umabot sa humigit-kumulang P11.69 trilyon ang kabuuang funding proposals ng mga ahensya bago ito isinailalim sa prioritization upang mabuo ang P7.2-trilyong spending plan.

Ayon sa DBM, kabilang sa mga konsiderasyon sa pagpili ng mga programa at proyekto ang kanilang pagkakatugma sa mga prayoridad ng administrasyon at Philippine Development Plan, implementation readiness, absorptive capacity ng ahensya, inaasahang resulta at pakinabang sa publiko.

“The NEP is not a compilation of everything government agencies asked for. It is the result of choices and prioritization within the fiscal space available to government,” ani De Leon.

Binawasan din umano ng DBM ang hinihinging pondo para sa government operations sa pamamagitan ng digitization, process streamlining at pagtanggal ng mga magkakapareho o redundant na proseso sa burukrasya.

Ang proposed P7.2-trillion 2027 national budget ay katumbas ng 21.7 porsiyento ng gross domestic product at mas mataas ng P407 bilyon kumpara sa P6.793-trilyong budget ngayong 2026.

Pinakamalaking bahagi nito ang P2.456 trilyon para sa social services, habang P1.833 trilyon naman ang nakalaan sa economic services. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here