MANILA, Philippines – Nagbabala si Senador Juan Miguel Zubiri nitong Lunes, Hunyo 3 na magsasagawa ito ng legal na hakbang laban sa mga nagpapakalat ng ‘black propaganda’ laban sa kanya.
Sa pahayag, sinabi ni Zubiri na plano niyang maghain ng cyber libel cases laban sa mga personalidad na nagpapakalat ng “unsubstantiated claims” laban sa kanya.
“They came out with a first set of videos two months ago, on the first attempt to unseat me. When that failed, they produced a part two video, which was released during the week of the second attempt. The timing is impeccable,” ani Zubiri.
“It’s an obvious attempt to discredit my leadership and taint my name. And they’re funneling huge amounts of money into this campaign – from production to promotion,” dagdag pa.
Tampok sa video ang mga paratang na may bahay umano si Zubiri sa Forbes Park at may mga private plane, kabilang pa ang ibang ari-arian na galing umano sa korapsyon.
“Walang katotohanan yan… Yung bahay ko ngayon, na wala sa Forbes, ay nabili ko noong 2009 pa po. At nasa SALN (Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth) ko po iyan,” aniya.
Matatandaan na pinalitan ni Senador Chiz Escudero si Zubiri bilang Senate president.
Samantala, kinumpirma ni Escudero nitong Lunes na nakausap niya si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong 2022 sa pagiging isang Senate President.
“Sa totoo lang huli ko nabanggit yata ‘yan kay Pangulong Marcos nung bagong term niya, nung kinongratulate ko siya kaugnay ng bagay na yan, pero di naman natuloy. Pangarap lang yun nung panahon na yon,” sinabi ni Escudero.
Noong nakaraang linggo, sinabi ni Marcos na siya ay aware sa “every step of the way” sa mga hakbang para palitan si Zubiri, bagama’t wala siyang ambag sa pangyayari. RNT/JGC