Home NATIONWIDE Mga pamilya, human rights group tumutulong sa DOJ sa pagresolba sa EJK

Mga pamilya, human rights group tumutulong sa DOJ sa pagresolba sa EJK

MANILA, Philippines – Tumutulong na rin sa Department of Justice (DOJ) ang ilang grupo at mga pamilya na makakalap ng mga ebidensya hinggil sa extrajudicial killings (EJKs) na naganap umano noong panahon ng Duterte administration.

Ayon kay Justice Assistant Secretary at spokesperson Mico Clavano, ilang grupo ang nagprisinta sa DOJ na tumulong para maghanap ng ilang testigo at karagdagang ebidensya.

Muling iginiit ni Clavano ang pahayag ni Justice Secretary Crispin Remulla na pinagbabatayan ng DOJ ang mga ebidensya sa pagresolba sa mga kaso.

Posible aniyang ito ang basehan kung kaya marami ang lumalapit sa kanila para mag-alok ng tulong.

Sinabi ni Clavano na maaaring hindi lumulutang noon ang pamilya ng mga naging biktima ng EJK dahil posibleng batid nila na hindi makukuha ang hustisya sa dating administrasyon.

Ipinagmalaki ni Clavano na sa ilalim ng Bagong Pilipinas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., magkakaroon na umano ng linaw sa mga kaso.

Batay sa rekord, nasa 6,000 katao ang nasawi sa war on drugs campaign ng nakalipas na administrasyon. Teresa Tavares