Home METRO 2 tulak nabingwit sa Navotas buy bust

2 tulak nabingwit sa Navotas buy bust

MANILA, Philippines – KALABOSO ang dalawang tulak ng illegal na droga matapos bintahan ng shabu ang isang pulis sa isinagawang buy bust operation sa Navotas City, kahapon ng madaling araw, Enero 4.

Kinilala ni Navotas police chief P/Col. Mario Cortes ang naarestong mga suspek na sina Enrico Ambrocio, 50 ng Gulayan St., Brgy. San Jose at Joselito Tapia, 37 ng Gov. Pascual St., Brgy. Navotas West.

Sa ulat ni Col. Cortes kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, dakong alas-2:24 nang madaling araw nang ikasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Cpt. Genere Sanchez ang buy bust operation kontra kay Ambrocio sa Los Martirez St., Brgy. San Jose.

Matapos tanggapin ni Ambrocio ang P500 marked money mula sa isang pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang sachet ng shabu ay agad siyang dinakma ng mga operatiba, kasama ang kanyang kasabwat na si Tapia.

Ayon kay PSSg Jeric Delos Reyes, nakumpiska sa mga suspek ang nasa 5.56 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P37,808 at isang P500 bill na ginamit bilang buy bust money.

Sasampahan ng pulisya ang mga suspek ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sa Navotas City Prosecutor’s Office. Boysan Buenaventura

Previous articleAFP nangako, ‘moves as one’ vs banta sa nat’l security
Next articleMga pamilya, human rights group tumutulong sa DOJ sa pagresolba sa EJK