MANILA, Philippines – SINIGURO ng Malakanyang sa mga negosyante na tinutugunan ng administrasyong Marcos ang kanilang mga concern sa gitna ng kooperasyon ng pamahalaan at ng pribadong sektor upang mapagaan ang epekto ng pabagu-bagong presyo ng langis sa buong mundo.
Sa katunayan, humarap sa pulong si Executive Secretary Ralph Recto para siguraduhin sa business groups na tinutugunan ang mga bagay na may kinalaman sa patuloy na pagtaas ng logistics costs, pangangasiwa sa port congestion, pagpapabilis ng mga reporma sa pagpapadali ng kalakalan, at paggamit ng mga bagong pinagkukunan ng enerhiya.
Sa pulong, siniguro rin ni Recto sa business groups na may sapat na suplay ng langis ang bansa.
Sa kabilang dako, hiniling naman ni Recto sa pribadong sektor na suportahan ang energy-saving measures na patuloy na ikinakampanya ng pamahalaan gayundin ang pagpapatupad ng flexible work arrangements para mabawasan ang fuel demand habang hiningi rin nito ang kooperasyon para mapigilan ang unfair pricing practices.
Samantala, dumalo naman sa pulong ang Semiconductor and Electronics Industries in the Philippines Foundation, Inc., Philippine Chamber of Commerce and Industry, Makati Business Club, at iba pa.
Ang mga cabinet members na kasama sa pulong ay sina Energy Secretary Sharon Garin, DEPDev Secretary Arsenio Balisacan, PCO Secretary Dave M. Gomez, at PCO Undersecretary Claire A. Castro. (Kris Jose)