Home NATIONWIDE Bayanihan 3 vs oil crisis tinalakay na sa Kamara

Bayanihan 3 vs oil crisis tinalakay na sa Kamara

158
0

MANILA, Philippines  -Alinsunod sa direktiba nina House Speaker Faustino Dy at House Majority Leader Sandro Marcos, sinimulan nang talakayin ng Kamara ang pagbalangkas sa Bayanihan 3 Act na siyang tugon sa nararanasang krisis sa langis.

Sa kanyang opening statement, sinabi ni Dy na patuloy ang paghahanap ng paraan ng pamahalaan para maibsan ang epekto ng nararanasang global crisis. Layon ng isinasagawang Legislative Energy Action and Development (LEAD) Joint Committee hearing ang pagpapatupad ng agarang targeted assistance at pagbuo ng pangmatagalang solusyon, partikular ang mga reporma sa enerhiya, ekonomiya, at seguridad sa suplay upang hindi paulit-ulit na tinatamaan ng ganitong krisis.

“Alam po natin na ang krisis na ito ay hindi natin kontrolado. Ito ay dulot ng tensyon sa ibang bahagi ng mundo, subalit ang bigat nito ay pinapasan nating mga Pilipino—sa pamasahe, sa presyo ng langis, sa singil sa kuryente, at sa bawat hapag-kainan. Hindi man natin mapipigilan ang krisis, subalit mayroong mga paraan para tumugon sa mga pagsubok na ito,” paliwanag ni Dy.

Ang House Committee on Ways and Means sa pamumuno ni Marikina Rep. Miro Quimbo at House Committee on Overseas Workers Affairs Chairman at Cavite Rep. Bryan Revilla ang siyang nanguna sa 13-panel joint hearing.

“Kung nagkaroon tayo ng Bayanihan 1 at 2 noong panahon ng pandemya, sa tingin ko, hindi malayo sa layunin ng konsehong ito ang bumuo ng isang Bayanihan 3,” pahayag ni Quimbo.

Sinabi ni Quimbo na hindi ito ang unang pagkakataon na pinag-usapan ang oil crisis sa Kamara. Aniya, noon pang isang buwan ay nagkaroon na ng pagtalakay sa iba’t ibang komite upang tugunan ang problema at sa ngayon ay aaksyon ang Kamara bilang isang committee.

“Today marks the first meeting of the Legislative Energy Action and Development or LEAD Joint Committee. This joint committee is a convergence of multiple committees which began their crisis briefings last March – just a few days after the Middle East war began. Continuing with our efforts last month, we now convene as one joint committee amidst increasingly volatile circumstances,” ani Quimbo.

Ilan sa naging tugon sa oil crisis ay ang pagbibigay ng Kongreso ng special power kay Pangulong Bongbong Marcos para suspindihin ang excise tax sa produktong petrolyo, ang repatriation sa may 3,000 OFWs, at rollout ng ayuda sa mga transport workers, habang kasunod na ang ayuda naman sa mga magsasaka at mangingisda.

Sinabi ni Quimbo na ang LEAD Joint Committee ay binuo para sa mas malaking pagsubok na kahaharapin ng bansa dulot ng patuloy na tensyon sa Middle East. Aniya, ang konseptong bubuuin ng Kamara ay hindi lamang nakatuon sa ayuda package para sa mga mahihirap kundi sakop din ang ibang sektor kabilang na ang nasa middle class na apektado rin ng pagtaas ng bilihin.

Sa panig ni Revilla, sinabi nito na ang kapakanan ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na apektado ng global crisis ang isa sa prayoridad.

“With millions of our kababayans living and working in the Middle East, this conflict is not merely a geopolitical event, it is a direct threat to the lives and livelihood of our people,” ani Revilla.

Sinabi ni Revilla na hindi matitigil sa pagrescue sa mga OFWs sa Middle East ang tulong na ibibigay ng pamahalaan kundi kasama ang suporta para sa kanilang paghahanap ng trabaho at kabuhayan.

Aminado si Revilla na kung magpapatuloy ang tensyon sa Middle East ay pinaghahandaan ng pamahalaan ang large-scale mass repatriation.

Ang LEAD committee hearing ay magsasagawa ng pagdinig sa April 13, 15, at 16. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here