Home NATIONWIDE Mga pasaherong pinigilang makapasok ng BI, naipon sa NAIA

Mga pasaherong pinigilang makapasok ng BI, naipon sa NAIA

MANILA, Philippines – NAKIPAG-UGNAYAN ang pamunuan ng Manila International Airport Authority (MIAA) sa Bureau of Immigration (BI) hinggil sa mga naipit na pasahero sa transit lounge makaraang dumating ang mga ito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 matapos silang pigilan ng BI na makapasok sa bansa sa iba’t-ibang kadahilanan.

Ayon kay BI deputy spokesperson Melvin Mabulac, ang mga posibleng dahilan ng pagpigil sa mga dumating sa bansa ay kinabibilangan ng nahatulan ng mga krimeng may kinalaman sa moral turpitude, tulad ng sex offenses; na-blacklist; o pagkakaroon ng mga alerto ng Interpol laban sa kanila.

Nabatid na upang mabigyan sila ng ilang privacy, ang mga kahoy na divider na may karatulang nagsasabing “Inadmissible Passenger Holding Area” ay na-set up para sa kanila. Ang ilan ay naupo na sa mga gang chairs, habang ang iba ay naglapag ng karton sa sahig upang matulog.

Ayon naman kay MIAA General Manager Eric Jose Ines na alam nila ang sitwasyon at kumikilos na sila. Sinubukan aniya nilang makipag-ugnayan sa BI para ilipat ang mga pinigil na pasahero sa NAIA Terminal 3, ngunit hindi ito pinayagan ng kagawaran.

Sinabi ni Mabulac na kapag ang isang pasahero ay hindi pinapasok sa bansa, sila ay i-tuturn over sa airline operator at dapat na sumakay sa unang flight.

“Once yan ay ma-exclude itini-turn over po yan natin sa airline operator and it should be boarded the first available flight. There should not be waiting time. Yan po ang konsepto kasi they are threat to our national security,” ani Mabulac.

Mahigpit na ipinapatupad ng BI ang exclusion policy alinsunod sa Philippine Immigration Act para sa pambansang seguridad. JAY Reyes

Previous articleZero maritime casualty target ng PCG sa Semana Santa
Next articleMas matinding parusa sa road rage ipinanukala sa Kamara