Home OPINION MGA PESTENG YAWA SA DROGA

MGA PESTENG YAWA SA DROGA

HABANG pinag-uusapan ang droga sa Kamara at Senado, naganap naman ang pamamaril kay Lynell Eugenio ni John Wayne Sace na ikinamatay ng una sa Pasig City kamakailan lang.

Ayon kay Sace, pinagbantaan siya umano at kanyang pamilya na papatayin kaya pinagbabaril na niya umano si Eugenio.

Nauna rito, malapit umanong magkaibigan ang dalawa at magkalugar.

Bago naman mahuli si Sace sa isang hotel na kanyang pinagtaguan, naglabas umano ito ng message sa social media ukol sa droga at pagnanakaw.

Hindi naman naging malinaw kung sino ang tinutukoy nitong may droga at pagnanakaw.

Matatandaang noon pang 2016, may bumaril kay Sace sa kanilang lugar din sa Pasig at isang kasama nito ang napatay.

Makaraan nito, lumitaw ang pag-amin ni Sace na naging adik siya at sinabing natikman na niya ang halos lahat ng droga at may interbyu pa siya sa telebisyon na kaya niyang magbago nang hindi daraan sa rehabilitasyon.

Ganito katindi ang problema sa droga.

May mga patayan at nagpapatayan mismo ang mga sangkot sa droga at hindi kinakailangang may mga pulis at iba pang awtoridad para pumatay.

At hindi rin kinakailangan na may mga death squad ng pulis na siyang may gawa lang ng mga pagpatay.

Sa Metro Manila, nauso ang salitang “tumbador” na siyang salita sa death squad ng mga drug lord at pusher.

Dito hindi kailangan ang pulis na pumatay dahil usapin ito nang hindi pag-iintrega ng salapi na pinagbilhan ng mga droga o kaya’y paghuhudas ng kasamahan sa droga sa mga awtoridad.

At kung may mga pulis mang sangkot sa pagpatay, sila mismo ang sangkot sa droga at nais lang nilang iligtas ang sarili sa war on drugs ni Pangulong Digong Duterte noon na hindi sumasanto sa narco-cops.

Magtanong pa kayo sa mga pulis.

Ngayon, isinisisisi lahat kay ex-Pangulong Digong ang lahat.

Pesteng Yawa, Uy!