Home NATIONWIDE Mga Pinoy na inaresto sa Qatar sa unauthorized demonstration tutulungan ng OVP

Mga Pinoy na inaresto sa Qatar sa unauthorized demonstration tutulungan ng OVP

MANILA, Philippines – SINABI ni Vice President Sara Duterte na tutulungan ng kanyang tanggapan ang mga Filipino na inaresto matapos na magsagawa ng political demonstration sa Qatar noong nakaraang linggo.

Sa katunayan, makikipag-ugnayan ang Office of the Vice President (OVP) sa ibang ahensiya para pag-usapan ang tulong na maaaring ipagkaloob sa mga inarestong Pinoy.

Nauna rito, tiniyak naman ng Malakanyang na hindi aabandonahin ng gobyerno ng Pilipinas ang mga inarestong pinoy at tutulungan ang mga ito.

“Obligasyon pa rin po ng ating pamahalaan, ng administrasyon, ang mga Pilipino anuman po ang kulay nila, wala po tayong sinisino, wala po tayong discrimination patungkol po diyan. Basta po kapuwa Pilipino ay tutulungan po iyan ng administrasyon,” ang sinabi naman ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.

Samantala, iniulat naman ng Department of Foreign Affairs na apat sa 20 na nahuli sa Quatar ay pinalaya na habang nanatiling nakakulong ang 16 na posibleng makulong hanggang tatlong taon. Kris Jose