MANILA, Philippines- Mas maraming Pilipino ang nakaranas ng involuntary hunger—pagiging gutom at walang makain—sa huling quarter ng 2024, ayon sa Social Weather Stations (SWS) survey na isinagawa mula Dec. 12 hanggang 18.
Lumabas sa resulta, ipinalabas nitong Martes ng gabi, na 25.9 porsyento ng pamilyang Pilipino ang nakaranas ng involuntary hunger, mas mataas ng tatlong puntos mula sa 22.9 porsyento sa ikatlong quarter ng 2024.
Ito rin ang pinakamataas na hunger rate mula sa 30.7 percent peak sa kasagsagan ng Covid-19 lockdowns noong September 2020.
Batay sa December 2024 survey results, pinakaraming nakaranas ng gutom sa Mindanao, sa 30.3 porsyento, sinundan ng Balance Luzon (o Luzon sa labas ng Metro Manila), sa 25.3 porsyento, Visayas, sa 24.4 porsyento, at Metro Manila, sa 22.2 porsyento.
Isinagawa ang SWS survey sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 2,160 adults, edad 18 pataas sa buong bansa: 1,080 sa Balance Luzon, at tig-360 sa Metro Manila, Visayas, at Mindanao.
Ang sampling error margins ay ±2 porsyento para sa national percentages, ±3 porsyento sa Balance Luzon, at tig-±5 porsyento sa Metro Manila, Visayas, at Mindanao. RNT/SA