ISRAEL – Inabisuhan ng Philippine Embassy sa Tel Aviv ang mga Filipino na manatili sa loob ng bahay at maghanda sa pagtatago sa mga shelter kasunod ng paglulunsad ng mga pag-atake ng Israel at Estados Unidos laban sa Iran.
Mayroong 30,000 manggagawang Pinoy na karamihan ay caregiver ang nasa Israel, habang mahigit 1,000 naman ang nasa Iran.
Sinabihan ng embahada ang mga Filipino sa Israel na ipinagbabawal ang public gatherings at ang lahat ng mga institusyon at opisina ay sarado maliban sa mga nagbibigay ng essential services.
“We encourage all Filipinos to remain indoors and prepare to seek shelter in a mamada if there is an urgent alert,” saad sa abiso ng embahada.
Matatandaan na nagpost ng video si US President Donald Trump sa social media na nagsabing ang US ay nagsimula ng “major combat operations in Iran,” at inakusahan ang Tehran na patuloy na nagdedevelop ng nuclear program nito.
Nanawagan naman ito sa mga mamamayan ng Iran na “take over your government.”
“It will be yours to take,” sinabi pa niya.
Sinabi naman ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Manila na mag-iisyu ito ng updated advisory. RNT/JGC