Home NATIONWIDE Mga proyekto ng DOTR nakalikha ng higit 31K trabaho sa mga Filipino

Mga proyekto ng DOTR nakalikha ng higit 31K trabaho sa mga Filipino

21
0

MANILA, Philippines – TINATAYANG aabot sa mahigit 31,000 trabaho para sa mga skilled worker ang nalikha sa pamamagitan ng dalawang pangunahing proyekto ng Department of Transportation (DOTr), alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyaking mas maraming Pilipino ang makinabang sa mga oportunidad sa loob ng bansa.

Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na, batay sa ulat ni Transportation Secretary Giovanni Lopez, aktibong hinihikayat ng kagawaran ang mga dayuhang kontratista ng North-South Commuter Railway at Metro Manila Subway Project na kumuha ng mga Pilipinong inhinyero, arkitekto, at iba pang skilled worker para sa pagpapatupad ng mag proyektong ito.

“Patunay ito ng kumpiyansa ng pamahalaan sa husay at dunong ng ating mga manggagawang Pilipino. Kayang-kaya ng Pinoy na makipagsabayan sa pagtatayo ng malalaking proyektong pang-imprastraktura,” ayon kay Castro.

“Sa ilalim ng Foreign Project Contractor Partnership ng DOTr, mahigit 10,000 Pilipino ang kasalukuyang nagtatrabaho sa konstruksyon ng Metro Manila Subway Project, habang higit sa 21,000 naman ang nakatalaga sa North-South Commuter Railway Project.”

Kapag nakumpleto ang lahat ng 35 istasyon ng North-South Commuter Railway, inaasahang tatagal na lang ng dalawang oras ang biyahe mula Clark, Pampanga hanggang Calamba, Laguna. Inaasahan ding makikinabang dito ang hanggang 800,000 pasahero kada araw.

Samantala, sa oras na maging ganap na operasyon ang Metro Manila Subway Project sa 2032, inaasahang mababawasan sa 45 minuto ang biyahe ng mga motorista mula Valenzuela City hanggang Parañaque City.

Magbibigay rin ang proyekto ng mas mabilis at mas maginhawang paglalakbay para sa mga pasaherong tutungo sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 sa Pasay City.

“Talaga namang hindi matatawaran ang galing ng manggagawang Pilipino pagdating sa trabaho. Maraming salamat sa inyong iniaalay na husay, sipag, at dedikasyon para sa bayan,” dagdag ni Castro. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here