Home HOME BANNER STORY Mga pulis na iniugnay sa pagpatay sa PCSO exec inalis sa pwesto

Mga pulis na iniugnay sa pagpatay sa PCSO exec inalis sa pwesto

154
0

MANILA, Philippines – Inalis sa pwesto ang mga pulis na iniuugnay sa pagpatay kay PCSO Board Secretary Wesley Barayuga noong 2020, sinabi ng Philippine National Police (PNP) nitong Biyernes, Oktubre 4.

Kinilala ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo ang mga ito na sina Police Lieutenant Colonel Santie Mendoza, Police Colonel Hector Grijaldo Jr., at Police Senior Master Sergeant Jeremy Causapin.

Inalis din sa pwesto si Police Colonel Roland Vilela, na umano’y tumanggap ng pera mula kay dating PCSO general manager Royina Garma.

“Bale apat na po yung nai-relieve na PNP personnel [at under restrictive custody] sa Personnel Holding and Accounting Unit] po pending investigation po,” sinabi ni Fajardo sa isang press briefing.

Sina Mendoza at Grijaldo ay nakatalaga sa PNP Drug Enforcement Group (PDEG), si Villela sa PNP Information Technology Management Service (ITMS), at si Causapin sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).

Sa pagdinig ng Kamara sa extrajudicial killings, inakusahan ni Mendoza si Garma at National Police Commission (Napolcom) Commissioner Edilberto Leonardo na nag-utos sa pagpatay kay Barayuga.

Ang imbestigasyon sa pagpatay kay Barayuga ay unang ginawa sa ilalim ni Mandaluyong Police Station chief Grijaldo.

Si Grijaldo ay dating kaklase ni Garma sa PNP Academy.

Sa kaparehong report, bigong umusad ang kaso at inilipat sa PNP Criminal Investigation and Detection Group.

Samantala, sa mga pagdinig, binanggit ang mga pangalan nina Villela at Causapin.

“May sinasabi na involvement po niya (Villela) kay GM Garma dahil sila po ay naging mag-asawa before at may mga revelation during QuadComm na hindi natin pupuwedeng balewalain dahil these are serious allegations. It involves money transfer,” ani Fajardo.

“Yung isa pa pong nabanggit na pangalan ay si Sergeant Jeremy Causapin na diumano na siya yung nagbigay ng P300,000 dito kay Nelson Mariano,” dagdag niya.

Si Mariano ang isa sa umano’y hired gunman.

Sina Mendoza, Grijaldo, at Villela ay nasa ilalim ngayon ng restrictive custody, habang hinahanap pa ng PNP si Causapin na nauna nang naghain ng resignation letter.

Matatandaan na tinambangan si Barayuga sa Mandaluyong City ng hindi pa tukoy na gunman sakay ng motorsiklo noong Hulyo 2020.

Sa CCTV footage, nakita ang dalawang gunman na sakay ng motorsiklo sa gilid ng official government vehicle at saka pinaputukan ang opisyal sa bintana ng passenger side. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here