
TAMA lang ang gagawing hakbang ni Philippine National Police chief PGen. Rommel Francisco Marbil na huwag nang bigyan pa ng pangalawang pagkakataon ang mga pulis na nakagawa ng kamalasaduhan tulad ng pangungulimbat at iba pang kabulastugan.
Napatunayan ng butihing Heneral na hindi nakatutulong ang sinasabing pagbibigay ng “due process” sa mga scalawag na tauhan ng PNP dahil kapag umatras ang taong kanilang pinagnakawan o inaragabiyado, nakababalik muli sila sa serbisyo at ang iba ay nalalagay pa sa magandang pwesto.
Napatunayan ito, hindi lang sa walong pulis ng District Special Operations Unit ng Eastern Police District na nahaharap ngayon sa mga kasong pagnanakaw, iligal na pag-aresto, kidnapping, at serious illegal detention nang salakayin nila ang bahay ng dalawang Chinese national noong Abril 2 sa Las Piñas City, kundi sa mga nauna pang pangyayaring kinasasangkutan ng mga tiwaling pulis na nakabalik muli sa tungkulin at nalagay pa sa magandang unit ng pulisya.
Ang walo kasing mga pulis na direktang may partisipasyon sa umano’y pangungulimbat sa pinasok na bahay ng Chinese national sa Las Piñas City, kahit na hindi na ito sakop ng kanilang hurisdiksyon, ay dati nang nasibak noong nakatalaga pa sila sa Mandaluyong Police Station bunga rin ng ganitong uri ng tiwaling trabaho.
Kung noon pa man ay nasibak na sa tungkulin ang mga pulis nang makagawa ng katiwalian, sana ay hindi na sila nakagawa pa ng panibagong batik sa hanay ng PNP.
Ang kaso nga lang, nakabalik na sila sa pwesto, nalagay pa sa isang unit na may espesyal na trabaho, tulad ng DSOU na “strike anywhere” kaya siguro mas lumakas ang loob na gumawa ng kabulastugan.
Matatandaan na noong Agosto ng taong 2023, sinibak sa puwesto ng noon ay dating National Capital Region Police Office director PMGen Jose Melencio Nartatez Jr. ang hepe noon ng Navotas Police Station na si PCol. Allan Umipig, batay na rin sa rekomendasyon ng kanyang immediate superior na si dating Northern Police District Director Rizalito Gapas matapos sampahan ng kasong kriminal at administratibo ang 23 niyang mga tauhan at opisyal dahil sa pagkamatay ng 17-anyos na binatilyo na napagkamalan lang nila na iyon ang kanilang tinutugis.
Pinaulanan ng bala ng mga tauhan noon ng Navotas Police Station ang binatilyo na naghahanda pa lang sanang pumalaot para mangisda na nagresulta sa kanyang kamatayan.
Napagalaman noon na ang ilang mga pulis na kinasuhan ay dati na rin palang sangkot sa paggawa ng krimen pero muling nakabalik sa puwesto. Tulad ng walong pulis ng EPD, kung hindi sana nakabalik sa pwesto ang mga sangkot sa krimen, sana ay buhay pa ang binatilyo na kanila lang napagkamalan.
Sana, kahit hindi na si Marbil ang hepe ng PNP, manatili ang hindi na pagbibigay ng second chance sa mga pulis na nakakagawa ng krimen para hindi na makaulit pa ang mga ito.