
TAONG 1589 unang nakapagtala ng lindol sa Pilipinas at mula noon, may 3,000 pagyanig na ang naitala na ilan sa pinakamalalakas ay ang Casiguran Earthquake (7.3).
Kabilang dito ang lindol noong 1968 na kumitil sa 270 buhay at nagpaguho sa Ruby Tower sa Binondo, Maynila; ang Moro Gulf Earthquake (7.9) noong 1976 na pumatay ng 8,000 katao bunsod ng kabuntot na tsunami; at ang Mindoro Earthquake (7.1) noong 1994 na pumatay ng 78 katao.
May 2,500 katao ang namatay sa 7.8 magnitude na lindol na yumanig sa Luzon noong July 16, 1990. Pangunahing naapektuhan nito ang Metro Manila, Baguio City, Cabanatuan City, at Dagupan City na sumira ng bilyong-bilyong halaga ng mga gusali at imprastraktura.
Nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa mga gumagamit ng social media na huwag basta-basta maniwala sa mga pekeng balita tungkol sa lindol. Matapos kasing yanigin ng 7.7 Magnitude earthquake ang mga bansang Myanmar at Thailand noong March 28, 2025 ay kumalat ang impormasyon na may magaganap na malakas na paglindol sa Pilipinas ngayong April 2025.
Paliwanag ng PHIVOLCS, walang sinoman ang makapagsasabi ng eksaktong petsa o oras kung kailan mangyayari ang isang lindol at wala pang teknolohiyang makagagawa niyan.
Ang “The Big One,” na tumutukoy sa inaasahang 7.2 magnitude na lindol dulot ng paggalaw ng West Valley Fault ay maaaring mangyari sa pagitan ng mga taong 2058 hanggang 2258 ayon sa ahensya.
Pero ngayon pa lamang ay naghahanda na ang pamahalaan sa pinakamalalang posibilidad na magiging epekto nito upang mailigtas ang maraming buhay sa pagkasawi o masugatan saka-sakaling tumama na ang malakas na lindol.
Inaasahan ng PHIVOLCS na maaaring makaranas ng hanggang Intensity 8 na lindol ang National Capital Region sakaling gumalaw ang West Valley Fault. Pinakahuling gumalaw ito noon pang 1658.
Ang Intensity 8 ay ikinokonsiderang “mapanira” sa panukat ng Phivolcs, kung saan hindi na kayang tumayo ng tuwid ang mga tao sa labas at malaki ang posibilidad na magkaroon ng malawakang pinsala sa mga gusali.
Binabagtas ng West Valley Fault ang Doña Remedios Trinidad sa Bulacan, tinatawid ang Marikina, Quezon City, Pasig, Taguig, Muntinlupa, General Mariano Alvarez, Carmona at Silang sa Cavite, San Pedro, Biñan, Santa Rosa, Cabuyao, at Calamba City sa Laguna, at maging ang Rodriguez at San Mateo, Rizal.