MANILA, Philippines — Nilusob ng mga kasapi ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Negros ang opisina ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Bacolod City nitong Martes upang igiit ang buong accounting ng flood control projects ng ahensya.
Giit ng grupo, nasa P7 bilyon ang inilaan para sa mga proyekto ngunit patuloy pa ring lumulubog sa matinding baha ang lungsod na naglalagay sa peligro ng mga residente.
“Gusto namin ng accounting ng pera ng taumbayan,” pahayag ni Bayan Muna spokesperson Noly Rosales.
Binatikos din ng mga raliyista ang DPWH dahil sa umano’y kakulangan ng tamang koordinasyon sa mga proyekto, na nagresulta pa sa pagbagsak ng ilang poste ng kuryente.
Kasabay nito, nanawagan sila ng pag-usig at pagkakakulong ng mga umano’y “corrupt” na tauhan ng DPWH at iba pang opisyal ng gobyerno, habang kinuwestiyon din kung bakit nananatiling tahimik si Bacolod Mayor Greg Gasataya sa isyu. RNT/JGC