Home METRO Mga seniors sa Maynila makatatanggap ng biyaya sa Mayo 13

Mga seniors sa Maynila makatatanggap ng biyaya sa Mayo 13

INANUNSIYO ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan na magsisimula na ang kanilang payout ng senior citizens allowance sa darating na Lunes, Mayo 13.

Ito ay matapos magpadala ng memorandum ang lokal na pamahalaang lungsod sa 896 barangay sa Maynila na inilabas para sa gabay ng mga barangay chairperson at treasurer.

Ayon sa alkalde, ang kopya ng memorandum at schedule ng payout ay nai-post sa opisyal na Facebook page ng lungsod na Manila Public Information office (MPIO).

Nabatid kay Office of Senior Citizens’ Affairs (OSCA) OIC Elinor Jacinto, nasa humigit-kumulang 180,000 senior citizens ang nakarehistro sa lungsod.

Ipinaliwanag ni Jacinto na sa ilalim ng social amelioration program na ipinatutupad ng administrasyong Lacuna, ang bawat senior citizen ay tumatanggap ng buwanang tulong pinansyal na P500 mula sa lokal na pamahalaan.

Sa panahon ng nakatakdang payout, ang bawat senior citizen ay tatanggap ng P2,000 bawat isa upang masakop ang mga buwan ng Enero hanggang Abril 2024.

Ayon kay Mayor Honey, ang nasabing tulong pinansiyal ay layon upang makatulong sa maliit na paraan upang mabayaran ang mga gastos sa kanilang mga gamot para sa mga matatanda at dagdagan ang mga libreng gamot na ibinibigay sa 44 na mga health center. Jay Reyes