MANILA, Philippines- Bubuksan ng mga obispo sa rehiyon ng Bicol ang kanilang mga simbahan sa mga posibleng evacuees ng Super Typhoon Pepito.
Iniulat ng Office of Civil Defense in Bicol (OCD-5) nitong Sabado na 491,047 indibidwal o 137,726 na pamilya mula sa anim na probinsya ang lumipat sa mga evacuation center habang patuloy na nagbabanta si Pepito sa Bicol Region.
Idinadalangin ni Caceres Archbishop Rex Andrew Alarcon sa Panginoon sa pamamagitan ng Mahal na Birhen ng Peñafrancia na ang mga tao ay maging ligtas sa pananalasa ni Pepito.
Ipinag-utos ni Sorsogon Bishop Jose Alan Dialogo ang pagbubukas ng lahat ng simbahan sa diocese bilang pansamantalang shelter para sa mga maaapektuhan ng bagyo.
Ayon kay Caritas Sorsogon executive director, Fr. Ruel Lasay, inilabas ang kautusan upang matiyak ang kaligtasan ng mga pamilyang lumikas mula sa mga lugar na delikado sa pagguho ng lupa at pagbaha.
Bukod dito, 1,500 prepositioned goods ang handang ipamahagi ng social arm ng Diocese of Sorsogon sa mga apektadong pamilya.
Samantala, ang Caritas Philippines, ang humanitarian, development, at advocacy arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), ay nag-activate ng emergency protocols nito habang papalapit ang Bagyong Pepito sa bansa. Jocelyn Tabangcura-Domenden