Home OPINION MGA SISIRA KAY MAYORA HONEY

MGA SISIRA KAY MAYORA HONEY

SI incumbent Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan, na muling tumatakbo bilang alkalde ng Maynila, ay ginagawa ang lahat upang mapagserbisyuhan ang lahat ng sektor na kanyang nasasakupan.

Kinakalinga ang mamamayan pero siyempre maging ang mga negosyante dahil kapwa ang mga ito pinanggagalingan ng pera sa kaban ng bayan na ginagastos ng pamahalaan para sa pagseserbisyo sa pamayanan.

Ang mga ayudang ipinamamahagi ng Manila City Hall, hindi pa panahon ng kampanya, ay mula siyempre sa buwis ng taumbayan lalo sa mga ang negosyo na nasa area of jurisdiction ni Lacuna-Pangan.

Pero ang kanyang magandang serbisyo ay unti-unting nasisira dahil sa mga opisyal at mga empleyado ng Manila City Hall na sobrang “hangos” na akala mo ay sila ang panginoon at hindi makaunawa sa mga taong nagnenegosyo.

May mga pagkakataon na kapag may nagreklamo sa kanila kaugnay sa negosyo ay kaagad na padadalhan ng liham ang may-ari ng negosyo upang magpaliwanag kung bakit hindi dapat ipasara ang negosyo nito. Kasama ang pananakot na ipasasara.

Madalas, kapag hiningi ng may-ari ng negosyo kung sino ang nagrereklamo, sasabihin ng mga ito na hindi nila pwedeng ilabas dahil sa data privacy act o kaya naman ay anonymous ang nagrereklamo.

Teka lang, karapatan ng inirereklamo kung sino ang dahilan ng bantang pagbawi ng lisensya ng ipinagkaloob ng lokal na pamahalaan sa negosyo na kamakailan lang ay binayaran (Enero nga ang renewal ng business permit – Ed).

Ang masaklap, isasagot ng tanggapan na nagpadala ng liham na sagutin na lang kung ano ang dapat na isagot. Ano? Paano maihahayag ng inirereklamong may-ari ng negosyo ang tamang sagot kung hindi niya alam kung ano ang motibo ng reklamo?

At dapat malaman nitong mga nasa city hall na ang hindi nila pagbibigay ng pangalan ng complainant ay pwedeng isipin na isang paraan ng harassment o kaya naman ay daan upang pagkaperahan lang ang mga negosyanteng inirereklamo.

Ay siyanga pala, bakit ang karamihan sa hepe ng mga tanggapan d’yan sa city hall ay hindi matagpuan sa kanilang tanggapan? Kapag tinanong mga tao niya, sasabihin ay hindi pa dumarating o hindi alam kung anong oras darating na sa bandang huli ay hindi papasok dahil may importanteng lakad.

Paanong hindi alam kung anong oras darating eh ang pasok ng mga kawani ay alas-7 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon? Kahit hepe ng opisina pa yan, kailangang pumasok sa oras. O baka sila dapat ang padalhan ng sulat ng Civil Service Commission o kaya naman ay Office of the Ombudsman?