
IBINAHAGI ni Social Security System (SSS) President and Chief Executive Officer (PCEO) Robert Joseph de Claro na nakatakdang magpatupad ang ahensya ng mahahalagang reporma ngayong 2025, kabilang ang pagpapahusay ng mga serbisyo para sa mga pensionado, mas mababang interest rate sa salary at calamity loans, pati na rin ang pinalawak na saklaw para sa mga self-employed na propesyonal.
Kasalukuyang nire-review ng SSS ang mga alituntunin ng Annual Confirmation of Pensioners (ACOP) program upang gawing mas madali ang proseso ng pagsunod at maging magaan para sa mga pensionado.
Tugon nila ito sa mga hinaing ng mga retiradong pensionado na may edad 80 pataas, na kailangang sumunod sa mga ACOP requirements alinsunod sa SSS Circular No. 2023-013 upang patuloy na matanggap ang kanilang benepisyo.
Ang hindi pagsunod ay magreresulta sa pagsuspinde o pagkansela ng kanilang pensiyon. Sa pagtatapos ng 2024, may kabuuang 157,493 pensionado sa ganitong pangkat ng edad.
Ayon kay PCEO de Claro, pinag-aaralan nila ang distribusyon ng edad at lokasyon ng mga pensionado at isinasaalang-alang ang mas madaling paraan ng pagsunod, katulad ng mga home visit ng SSS personnel.
Bilang bahagi naman nang pagbibigay ng mas malaking ginhawa sa mga miyembro nito, plano rin ng SSS na babaan ang interest rate sa salary at calamity loan programs, na kasalukuyang nasa 10 porsyento kada taon.
Magagawa ito ng ahensiya dahil sa matatag na performance ng investment portfolio nito na nangangahulugan ng halagang maaaring matanggap ng mga kwalipikadong SSS members mula sa kanilang loan applications.
Batay sa datos, mula 2021 hanggang 2024, ang taunang return on investment (ROI) ng SSS ay nasa pagitan ng 5.8 hanggang 6.6 porsiyento na nagpapakita ng katatagan kahit sa panahon ng COVID-19 pandemic.
Upang mapalawak ang saklaw ng social security, layunin din ng SSS na pagbutihin ang koleksyon mula sa mga self-employed professionals tulad ng mga accountant, doktor at inhinyero.
Makikipag-ugnayan ang ahensiya sa Professional Regulation Commission upang talakayin ang mga oportunidad para sa kooperasyon at tiyakin ang SSS coverage para sa kanila.
Sabi ni PCEO de Claro, ang mga planong inisyatibo ay nakaayon sa pangako ng SSS na bigyang-priyoridad ang mahusay na serbisyo habang pinapanatili ang disiplina sa pananalapi at pagpapanatili ng sustainability.
Inaasahang maisasagawa ang lahat ng reporma sa buong taon ng 2025.