Home NATIONWIDE Mga tripulanteng Pinoy sa nasabat na barko sa SoKor nasa maayos na...

Mga tripulanteng Pinoy sa nasabat na barko sa SoKor nasa maayos na kalagayan – DMW

MANILA, Philippines- Sinabi ng Department of Migrant Workers (DMW) na inaalagaaang mabuti habang isinasagawa ang imbestiagsyon ang 20 Filipino seafarers ng Norwegian-flagged bulk carrier MV Lunita na natiklo sa South Korea dahil sa pagdadala ng hinihinalang cocaine.

Sinabi ni Migrant Workers Undersecretary Felicitas Bay sa isang online briefing noong Biyernes na ang mga tripulante ay nasa mabuting kalusugan at ang kanilang mga karapatan, alokasyon at ang sahod, mga suplay ng pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan ay patuloy na ibinibigay ng may-ari ng barko.

Sinabi ni Bay na ang shipping agency ay nagbigay ng Filipino interpreter at mga abogado at isang kinatawan ng Migrant Workers Office na nakadalaw sa barko.

Magbibigay din ang opisina ng isang collaborating counsel para sa Filipino crew.

Sinabi ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na sakay pa rin ng barko ang Filipino seafarers.

Hindi naman nagbigay ng iba pang detalye si Cacdac sa alegasyon sa mga Filipino crew dahil nagpapatuloy pa ang imbestigasyon.

Nangako rin si Cacdac na magbigay ng pinakamahusay na legal defense para sa Filipino seafarers gayundin ang tulong sa kanilang pamilya.

Nakipagpulong na rin ang ahensya sa anim na pamilya at magkakaroon pa ng mga susunod na pagpupulong. Jocelyn Tabangcura-Domenden