MANILA, Philippines- Sinabi ng abogadong si Michael Poa nitong Martes na hindi na siya tagapagsalita ni Vice President Sara Duterte mula nang ma-terminate ang kanyang consultancy contract.
Inihayag ito ni Poa sa imbetigasyon ng House good government and public accountability sa paggamit ng budget ng Vice President, kabilang ang confidential funds.
“I would like to inform the honorable committee that I am no longer connected with the Office of the Vice President (OVP),” wika ni Poa.
“My consultancy contract was already pre-terminated,” dagdag niya.
Bago manungkulan sa OVP, si Poa ay nagsilbing undersecretary at tagapagsalita ng Department of Education nang si Vice President Duterte pa ang kalihim nito.
Nang magbitiw si Duterte bilang Education chief, nag-resign din si Poa mula sa DepEd at lumipat sa OVP.
Sa nakaraang congressional inquiry, sinabi ni Poa sa mga mambabatas na inatasan niya si DepEd Undersecretary at retired Major General Nolasco Mempin na humingi ng katunayan mula sa military units upang suportahan ang paggastos ng OVP na P15 milyong confidential funds para sa informants noong 2023.
Iginiit niyang ginawi niya ito “in good faith” dahil inihirit ng COA sa OVP na tumugon sa audit observation memorandum (AOM) na kumukuwestiyon sa paggastos.
Kalaunan ay inihayag ng mga sundalong nagbigay ng certifications sa OVP na hindi nila alam na gagawin ito upang ipaliwanag ang budget ng OVP. RNT/SA