CAVITE – Isang lalaki ang inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos umanong magpanggap na doktor at magsagawa ng iba’t ibang cosmetic procedure kahit wala itong dokumento o lisensiya.
Sa report mula kay NBI spokesperson Palmer Mallari, nagpapatakbo ang suspek ng isang hindi awtorisadong beauty clinic na nag-aalok ng mga serbisyong gaya ng Jawtox, eyebrow microblading, at glutathione drips sa mas murang halaga upang makahikayat ng mga kliyente.
Batay sa isinagawang operasyon ng mga operatiba ng NBI Organized and Transnational Crimes Division, inaresto ang suspek noong Huwebes matapos ang masusing surveillance at intelligence operation upang alamin kung may nagaganap na ilegal na praktis ng medisina sa naturang establisimyento.
Nakumpirma ng Professional Regulation Commission (PRC) na walang lisensiyang medikal ang suspek. Lumabas din na ang klinika ay walang permit mula sa Food and Drug Administration (FDA) upang legal na makapag-operate.
Napag-alaman din na ang glutathione drip na ginagamit sa klinika ay hindi rehistrado sa FDA, na maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan ng mga pasyente.
Ipinaliwanag ni Mallari na bagama’t maayos ang itsura ng klinika at tila lehitimo ang operasyon nito, wala naman itong kinakailangang permit at lisensiya.
Aniya, hindi sapat ang pagkakaroon ng mga certificate of training upang maipakitang awtorisado ang isang tao na magsagawa ng mga medikal na pamamaraan.
Binigyang-diin pa niya na ang mga sertipiko ng pagsasanay ay hindi maaaring ipalit sa lisensiyang ipinagkakaloob matapos makapasa sa board examination dahil magkaiba ang kanilang legal na bisa.
Nakatakdang sampahan ngayon ang suspek ng mga kasong paglabag sa Food, Drug, and Cosmetic Act, Medical Act of 1959, at Section 46 ng Philippine Pharmacy. (Margie Bautista)