MAGUINDANAO DEL SUR, Philippines – Napatay sa isang ambush ang isang field commander ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at ang kanyang kasama noong Lunes ng gabi sa isang liblib na lugar sa Ampatuan, Maguindanao del Sur, ayon sa pulisya.
Kinilala ni Ampatuan police chief Capt. Guiseppe Tamayo ang mga biktima na sina Hams Kindo, 46, kilala bilang Commander Tuabak ng First Brigade, 118th Base Command ng Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF), ang armadong sangay ng MILF, at ang kanyang aide na si Mohammad Acob, 44.
Ayon kay Tamayo, sakay ng mini-van (MBK 6116) sina Kindo at Acob pauwi sa Sitio Bliss, Barangay Kapinpilan nang tambangan sila sa isang dirt road pasado alas-8 ng gabi noong Enero 12. Si Kindo ang nagmamaneho ng sasakyan.
Isinugod pa sa ospital ang mga biktima ngunit dead on arrival na sila.
Nakakita ang mga imbestigador ng dalawang riple, kahon ng bala, at mga bala sa loob ng sasakyan.
Nagpapatuloy ang manhunt ng pulisya, katuwang ang militar, laban sa mga suspek na pinaniniwalaang mga residente ng Barangay Kapinpilan.
Kinondena ni Tamayo ang pag-atake bilang isang “senseless act of violence… a blatant disregard for human life and a direct affront to peace and order and the rule of law.”
Dagdag pa niya, “The Ampatuan municipal police station expresses its deepest sympathy and condolences to the bereaved families of the victims and assures them that justice will be pursued relentlessly.”
Nanawagan din siya sa publiko na makipagtulungan at magbigay ng impormasyon, na may katiyakang mananatiling kumpidensyal ang pagkakakilanlan ng mga magbibigay ng tip. RNT/MND