Home NATIONWIDE PNP chief: Agarang aksyon sa maling asal ng pulis, iginiit

PNP chief: Agarang aksyon sa maling asal ng pulis, iginiit

212
0

MANILA, Philippines – Inatasan ni PNP acting chief Police Lt. Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang lahat ng police commander na agad kumilos laban sa anumang uri ng misconduct ng kanilang mga tauhan upang maiwasan ang mas mabibigat na problema sa hinaharap.

Binigyang-diin niya ang zero tolerance sa mga gawaing sumisira sa integridad at propesyonalismo ng kapulisan.

Ipinag-utos ito ni Nartatez matapos mabunyag na ang police sergeant na sangkot sa pamamaril sa isang babaeng sibilyan at tatlong pulis—kabilang ang hepe ng pulisya ng Sibulan, Negros Oriental—ay may dating kasong administratibo.

Ang suspek na si Police Staff Sergeant Bonifacio Saycon ay dati nang nasampahan ng kasong less grave neglect of duty dahil umano sa hindi pagdalo sa isang pagdinig sa korte kaugnay ng naunang search warrant.

“This is what we have been saying about the necessity of commanders regularly upholding strict discipline and acting decisively on any misconduct of any personnel under their direct supervision,” ayon kay Nartatez.

Dagdag pa niya, “Minor infractions in disciplinary mechanisms or any misconduct, no matter how small it is, must be immediately addressed to prevent any personnel from being involved in much serious offenses,” aniya.

Sinabi ni Nartatez na ang insidente ay paalala sa pangangailangang palakasin ang internal monitoring at disciplinary systems, lalo na sa mga tauhang may naunang isyung administratibo, at kung kinakailangan ay alisin sila sa mga sensitibong tungkulin.

Ayon pa sa PNP chief, kailangan ng agarang audit upang matukoy ang kakulangan sa pagsubaybay at pagpapatupad ng mga kasong administratibo at matiyak na naipatutupad nang maayos ang mga parusa at corrective measures.

Kasalukuyang nire-review ng PNP kung paano pinangasiwaan ang naunang kaso ng suspek.

Giit ni Nartatez, ang mabilis na pagtugon kahit sa maliliit na paglabag ay malinaw na mensahe na hindi katanggap-tanggap at hindi kinukunsinti ang anumang misconduct.

Si Saycon ay nahaharap na ngayon sa maraming kasong kriminal, kabilang ang pagkamatay ng apat na taong umano’y kanyang binaril. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here