Home HOME BANNER STORY MILF kumalas muna sa peace deal sa gobyerno

MILF kumalas muna sa peace deal sa gobyerno

139
0

DAVAO CITY — Pansamantalang sinuspinde ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang kanilang pakikilahok sa ilang mekanismo ng pagpapatupad ng kasunduang pangkapayapaan matapos magbitiw sa puwesto ang pinuno ng government peace panel na si Cesar Yano, na nagdulot ng kakulangan sa pamumuno sa kritikal na yugto ng transisyon.

Nanawagan si MILF Chairman Al Haj Murad Ebrahim sa pamahalaan na agad magtalaga ng bagong pinuno ng peace panel, at iginiit na kinakailangan ang aktibong partisipasyon ng dalawang panig upang umusad ang proseso. Inilarawan niya ang implementasyon bilang isang “dance that was meant for two.”

“The importance of the MILF peace implementing panel’s government counterpart cannot be countenanced. Hence, in the exercise of prudence, the MILF deems it appropriate to declare a temporary pause in several aspects of engagement under the peace implementation mechanisms until a full-fledged chairman of the GPH peace implementing panel is appointed,” ani Ebrahim.

Ayon sa kanya, hindi maaaring makipagnegosasyon ang MILF panel sa isang “headless counterpart,” dahil ang mga mekanismo ay nakabatay sa opisyal at may mandato na kinatawan ng dalawang panig.

“In the absence of a formally designated chair of the GPH peace implementing panel, the MILF finds itself unable to proceed with substantive engagements that require formal commitments and authoritative decisions,” dagdag niya.

Sa kabila nito, tiniyak ng MILF na magpapatuloy ang mga ceasefire mechanism tulad ng Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities at Ad Hoc Joint Action Group upang mapanatili ang kapayapaan sa ground. Ayon kay Ebrahim, layunin ng hakbang na maprotektahan ang marupok na seguridad na nakamit.

Magpapatuloy din ang MILF sa pakikipag-ugnayan sa lokal at internasyonal na mga kaalyado hinggil sa mga usaping hindi nangangailangan ng bilateral na koordinasyon sa pamahalaan.

Nangyari ito kasabay ng ika-12 anibersaryo ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB), habang patuloy na humaharap sa mga hamon ang implementasyon nito. Noong nakaraang taon, sinuspinde ng MILF ang decommissioning ng humigit-kumulang 14,000 combatants dahil sa umano’y kakulangan ng pamahalaan sa pagtupad sa normalization provisions ng kasunduan noong 2014.

Ang paulit-ulit na pagkaantala sa Bangsamoro parliamentary elections at iba pang hindi nareresolbang isyu ay nagdulot ng babala mula sa ilang peace monitors na maaaring malagay sa alanganin ang kasunduan.

Umaasa si Ebrahim na agad magtatalaga ang pamahalaan ng bagong peace panel chief upang maibalik ang normal na operasyon at maipagpatuloy ang mga nakabinbing usapin.

“Such appointment will help restore the normal functioning of the established mechanisms and enable the parties to address pending matters in a timely and constructive manner,” aniya. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here