Home HOME BANNER STORY PBBM sa publiko sa presyo ng pangunahing bilihin: Normal lang, ‘wag mag-alala

PBBM sa publiko sa presyo ng pangunahing bilihin: Normal lang, ‘wag mag-alala

196
0

MANILA, Philippines – “Everything is normal. No need to worry.”

Ito ang pahayag at panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa publiko matapos na personal na ikutin ang iba’t ibang palengke sa bansa, araw ng Miyerkules, Marso 18, para tiyakin na ang presyo ng pagkain ay hindi biglang tataas.

“Nagpapasalamat din kami sa mga vendor dahil pumayag naman sila na hindi tataas ang presyo at hindi sila magpa-price gouging, at hindi sila magsasamantala dito sa krisis na nangyayari sa Middle East,” ayon sa Pangulo sa isang ambush interview matapos ang Special Joint Price and Supply Monitoring ng Trade and Industry Department at ng Department of Agriculture sa Agora Market at Puregold Agora sa 1 N. Domingo corner F. Blumentritt, Lungsod ng San Juan.

Tiniyak din ng Pangulo na patuloy ang gagawin nilang pag-inspeksyon para siguruhin na ang food supply at ang presyo ng pagkain ay mapapanatili sa dating level sa kabila ng sobrang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

“So far, we’ve been able to keep everything at normal levels. Everything is normal. No need to worry. Our vendors are operating and they are keeping the prices at normal from what we were maybe a month ago, pareho pa rin. So that’s what we need to maintain,” anang Pangulo.

“Tuloy-tuloy pa ito dahil hindi natin malaman kung hanggang kailan ang giyera sa Middle East. Kaya patuloy ang ating pag-iinspeksyon para naman ang kabuhayan ng ating mga kababayan ay hindi masyadong maapektuhan nitong krisis na hinaharap natin sa Middle East,” aniya pa rin.

Sa Pilipinas, aniya, ay normal ang mga presyuhan dahil maganda ang suplay ng pagkain, ng bigas, at mga basic goods.

“Kaya’t ang ating mga kababayan, sinasabi natin, hindi naman kailangan mag-hoarding. Hindi tayo nagkukulang sa food supply,” ang sinabi pa rin ng Pangulo.

Ang Special Joint Price and Supply Monitoring ng Trade and Industry Department at ng Department of Agriculture ay naglalayong bantayan ang presyo at suplay ng mga pangunahing bilihin lalo pa’t nagtaas na ang presyo ng produktong petrolyo.

Sinasabing bahagi ng Price and Supply Monitoring ang paghahambing sa aktwal na presyo ng mga pangunahing bilihin gaya ng bigas, gulay at prutas, karne, isda at basic goods gaya ng de lata, asukal at mantika.

Sa ngayon, aniya, ay walang problema ang bansa sa suplay ng pagkain at petroleum products, kabilang na rin ang fertilizer para sa mga magsasaka.

“That’s our main concern,” diin na pahayag ng Pangulo.

Samantala, nakasama ni Pangulong Marcos sa pag-iikot sina Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel at DTI Secretary Maria Cristina Roque. (Kris Jose)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here