MANILA, Philippines – Nanawagan si Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rommel Francisco Marbil ng malawakang reorganisasyon ng pulisya, dahil naniniwala siyang hindi sapat ang mga nagdaang reporma upang matugunan ang suliranin sa kapayapaan, kaayusan, at disiplina sa hanay ng PNP.
Ayon kay Marbil, ang kasalukuyang istrukturang militaristik ng PNP ay nagdudulot ng mabagal na pagdedesisyon, kakulangan sa pananagutan, at hadlang sa inobasyon sa grassroots level.
Iminungkahi niya ang mas payak na istruktura, na makakatulong upang mapabilis ang proseso, mapatatag ang ugnayan sa komunidad, at mabawasan ang burukratikong pagkaantala sa PNP.
Ipinaliwanag din niyang ang kasalukuyang istruktura ng PNP ay idinisenyo para sa isang militarisadong puwersa, ngunit bilang isang sibilyang organisasyon sa ilalim ng DILG Act of 1990, kinakailangang baguhin ito upang mas maging angkop sa tungkulin nito.
Binigyang-diin ni Marbil na hindi lang ito tungkol sa pagiging epektibo ng operasyon kundi sa pagtitiyak na ang PNP ay patuloy na magiging tagapagtanggol ng publiko at ehemplo ng mabuting pamamahala. RNT