MANILA, Philippines – HINDI na nagawang matapos ang kinakain na hapunan ng isang mister makaraang pagbabarilin ito ng isa sa dalawang hindi nakikilalang gunman sa loob ng restaurant kagabi, Agosto 27 sa Purok 5 Barangay Balubal, Sariaya, Quezon.
Kinilala ng Sariaya Municipal Police Station ang biktima na nagtamo ng mga tama ng bala sa ibat-ibang parte ng katawan mula sa hindi pa matukoy na baril na si Michael Badiola y Baco, nasa hustong gulang, naninirahan sa nabanggit na lalawigan.
Base sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya sa pinangyarihan ng krimen, dakong alas-10:25 kagabi habang ang biktima na kumakain ng hapunan sa Lovinco Restaurant nang biglang dumating ang dalawang hindi nakikilalang suspek at walang sabi-sabing pinagbabaril ang biktima.
Napag-alaman na ang dalawang gunman ay kapwa nakasuot ng kulay puting short, maong short, black t-shirt at blue jacket na mabilis na tumakbong tumakas patungo sa hindi matukoy na direksyon matapos ang insidente.
Samantalang patuloy ang imbestigasyon at pagtugis sa dalawang suspek ng Sariaya Municipal Police Station para sa agarang ikadarakip ng mga suspek, kung saan inaalam pa ang motibo ng pamamaslang sa biktima. Ellen Apostol