MANILA, Philippines – Ibinunyag ni Police Colonel Jovie Espenido na si Senador Ronald dela Rosa na noon ay hepe ng Philippine National Police(PNP) ang siyang nag utos sa kanya na patayin ang mga drug personalities kabilang si Ozamiz Mayor Reynaldo “Aldong” Parojinog at pamilya nito.
Bukod dito ay iniutos din umano ni dela Rosa na “ineutralize” ang mga drug personalities sa Albuera, Leyte.
“Ang instruction lang na tulungan mo ako, Jovie, at saka si President Duterte, about this war against illegal drugs. So, dapat, galingan mo ha, ikaw ang i-assign ko as chief of police ng Albuera, so dapat mawala na yung mga drugs sa Albuera,” pag-amin ni Espenido sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Kamara sa war on drugs sa termino ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ani Espenido sa kapulisan, isa lang ang ibig sabihin kapag iniutos na mawala.
“Lahat ng pulis, alam na namin ang isang meaning din. Pagsabi na mawala, kasalit na ‘yung mamatay,” ani Espenido.
Inamin niya sa kanyang isinumiteng affidavit sa Kamara na tinawagan siya para italaga sa Ozamiz at alam na niya ang kanyang gagawin.
“Moments after my phone conversation with Chief Bato, he issued a formal order to cause my transfer to Ozamiz. It was President Rodrigo Duterte himself who announced in August 2016 that Ozamiz City Mayor Reynaldo “Aldong” Parojinog was included in his list of public officials involved in illegal drugs, in national television during one of his press briefings in Malacañang,” nakasaad sa affidavit ni Espenido.
Nang inanunsyo umano ni dating Pangulong Duterte ang pagkakasangkot ni Parajinog sa illegal drugs ay kasama niya noon si Mayor Parojinog sa loob ng isang Baptist Church at kanyang inimpormahan ang alkalde na boluntaryo nang sumuko subalit tumanggi ito hanggang sa magpalabas na ng search warrant para halughuhin ang bahay at farm nito noong 2017.
“We enforced them through a simultaneous search around 2:00 AM of July 30, 2017, a Sunday. 16 people were killed in these police operations, including Mayor Parojinog and his wife,” nakasaad sa affidavit ni Espenido.
“Chief Bato and President Duterte arrived shortly thereafter to congratulate our unit for the successful raid. The Parojinogs had been neutralized. We were even awarded a plaque of recognition,” dagdag pa nito.
Isa si Espenido sa mga kontrobersiyal na pulis noong Duterte administration na nanguna sa war on drugs. Gail Mendoza