MALAKI ang posibilidad na bumagsak ang ekonomiya at tumaas ang bilang ng mga walang trabaho sa rehiyon ng Zamboanga sa oras na umalis o paalisin ang mga namumuhunan at mga negosyante na hindi residente o nakatira sa nasabing probinsya.
Ang nasabing pahayag ay bumabagabag sa mga Zamboangueno bunsod na din sa kumakalat na isyu sa social media na sinabi umano ng isang Kongresista na dapat maibalik sa lokal o lehitimong taga-Zamboanga ang isang electric provider sa lugar kung saan kasalukuyan itong pinapatakbo ng isang kompanya na mula sa Kalakhang Maynila.
Isa sa kanilang hinala ay ang gumagandang pagpapatakbo ng elektrisidad sa Zamboanga na tila napapag-interesan ng ilang pamilya na nasa pulitika.
Reaksyon ng ilang taga probinsya, sa halip na manghikayat ng mga investors o mamumuhunan sa probinsya ay tila nais nilang itaboy ang mga ito para sa sariling interes.
Ang nasabing usapin ay kaugnay sa nagpapatuloy na talakayan tungkol sa planong paghahain ng resolution para sa potensyal na terminasyon ng kontrata sa pagitan ng Zamcelco-Crown Investment Holdings Inc., na siyang power distribution facility na nagpapatakbo ng kooperatiba mula noong 2018 dahil sa P4.6 bilyong utang.
Sinabi ng Zamcelco na ang hakbang ng mambabatas ay hindi kasama sa agenda.
“He should further be reminded that Section 10 of Republic Act 10531 provides that the management, operations, and strategic planning of electric cooperatives, shall, as much as practicable, be insulated from local politics,” komento ni Atty. Estrella Elamparo, legal counsel ng ZAMCELCO Board of Directors sa naganap na 45th annual assembly ng Zamcelco kung saan iginigiit ng mambabatas ang nasabing terminasyon sa investment management contract.
Nilinaw din na tanging ang board of directors ng Zamcelco ang maaaring kumilos kung itutuloy o wakasan ang kontrata at ang hukuman lamang ng batas ang maaaring magpasya na bawiin ang isang kontratang naisagawa nang nararapat. RNT