CAUAYAN CITY, Isabela – Nakikipaglaban pa rin kay kamatayan sa hospital habang ginagamot ang isang mister na nagdiriwang ng kanyang kaarawan at isa pang nadamay matapos na tagain ng naki-birthday sa Purok 6, Brgy. Faustino, Cauayan City, Isabela.
Kinilala ang mga sugatang biktima na sina Jack Perido, 55-anyos at Julius Lazo, 40-anyos habang ang suspek ay kinilalang si alyas “Jose”, 28-anyos, construction worker pawang mga residente sa naturang lungsod.
Ayon sa pagsisiyasat ng pulisya, bago mangyari ang insidente ay nag-inuman ang mga biktima kasama ang suspek sa selebrasyon ng kaarawan ni Jack.
Dito ay naungkat umano ng suspek ang usapan hinggil sa nabiling lupa na masyado umanong mahal ang presyo.
Dahil dito, nagkaroon ng mainit na pagtatalo sa pagitan ng dalawa na mas lalo pang tumindi nang pigilan ni Jack ang suspek sa pagkanta.
Ilang sandali lamang ay kinuha ni Jack ang tubo at tinangkang hampasin ang suspek ngunit agad itong nakatakbo patungo sa kanilang tahanan kung saan kumuha ito ng panabas saka itinaga kay Jack, at nang umawat naman si Julius ay tinaga rin ito ng suspek.
Pansamantala nasa kustodiya ng pulisya ang suspek habang inihahanda na ang kasong usasampa laban sa kanya. REY VELASCO