Home METRO Mister na wanted sa pagpatay, kalaboso

Mister na wanted sa pagpatay, kalaboso

KALABOSO ang isang mister na wanted sa kaso ng pagpatay matapos malambat ng pulisya sa ikinasang manhunt operation sa Navotas City, Lunes ng hapon.

Sa kanyang ulat kay NPD Acting District Director P/Col. Josefino Ligan, sinabi ni Navotas police chief P/Col. Mario Cortes na nakatanggap sila ng impormasyon na naispatan sa lungsod ang presensya ng 45-anyos na akusado na nakatala bilang Top 3 Most Wanted Person sa Navotas.

Katuwang ang mga tauhan ng Police Sub-Station 4 at SCAS, agad ikinasa ng Warrant and Subpoena Section ang joint manhunt operation hanggang sa matiyempuhan nila ang akusado sa kahabaan ng Lapu Lapu St., Brgy NBBS Kaunlaran dakong ala-1:50 ng hapon.

Ang akusado ay dinakip ng mga tauhan ni Col. Cortes sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Zaldy Balagat Docena ng RTC Branch 170, Malabon City noong September 22, 2024 para sa kasong Murder.

Pansamantalang nakapiit ang akusado sa Custodial Facility Unit ng Navotas CPS habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa hukuman.

Pinuri ni Col. Ligan ang Navoyas City Police Station para sa kanilang dedikasyon at mabilis na aksyon sa pagtugis sa mga taong wanted na pinaghahanap ng batas. (Merly Duero)