SA tuwing may hindi inaasahang krisis, ang gobyerno ang dapat na tutulong sa mamamayan nitong salat sa yaman. Iyong mga tinatawag na “isang kahig, isang tuka”.
‘Yun bang para kahit na papaano, maisalba sila sa gutom at ang kanilang mga pamilya.
Masikap naman tayong mga Pilipino na hindi basta na lang aasa sa tulong ng iba kung hindi kailangan.
Nagkataon o sadyang nagigipit lang ang karamihan dahil sa malalang krisis sa langis bunsod ng digmaan sa Gitnang Silangan. Lahat ay apektado, lalo na ang mahihirap.
May tulong ngang ibinibigay o tinatawag na ayuda ang gobyerno ngunit hindi sapat. Ito lang ang kayang gawin ng pamahalaan sapagkat wala itong konkretong programa.
At ang masaklap, ang gobyerno mismo ang naglalantad sa libo-libong mahihirap sa panganib sa pamamagitan ng wala sa ayos na paglulunsad ng mga subsidiya.
Kamakailan, namahagi ng subsidiya sa gasolina ang Department of Social Welfare and Development sa mga driver ng mass transport, operator at rider.
Diskarte ito sa kawalan pa rin ng tugon ng gobyerno sa panawagang tanggalin ang excise tax sa langis (krudo at gasolina). Ang sinuspinde lamang at hindi tuluyang inalis ay ang excise tax sa Liquefied Petroleum Gas at kerosene.
Ngunit nagreklamo ang mga benepisyaryo ng P5,000 fuel dole-out dahil sa pagkawala ng kalahati ng kanilang kita sa pamamasada upang maghintay sa napakahabang pila, makakuha lamang ng ayuda.
Pagdurusa ang kanilang paghihintay sa ilalim ng tirik na tirik na araw, walang silungan at walang sapat na upuan. Nagutom sila at nangauhaw.
Kaya noong Sabado, namatay ang isang motorcycle taxi rider habang naghihintay ng ayuda sa napakahabang pila sa Quezon Memorial Circle. Inatake sa puso ang pobreng rider.
Sa Caloocan City naman, nagsimulang pumila ang mga motorcycle taxi at delivery riders bandang 1:30 ng madaling araw noong Linggo. Ang ilan ay naglatag ng banig sa bangketa para makapahinga dahil bibiyahe pa sa umaga. Ngunit inabot ang iba nang 15 oras bago nakakuha ng subsidiya.
Ayon sa mga driver at rider, may ayuda nga ang gobyerno ngunit trinato naman sila na parang mga pulubi. Parang mga timawa o patay gutom.
Nakaririmarim ang ganitong kawalang-galang at pagmamaltrato ng gobyerno sa mga tao sa gitna ng kanilang paghihirap.
Sa panahon ng makabagong teknolohiya at e-wallet, mahirap ba na gawing maayos at epektibo ang pamamahagi ng mga tulong?
Tama na ang pagmamaltrato sa sektor ng mahihirap. Itigil na ang mahahabang pila para lang magmukhang may ginagawa ang gobyerno sa pamamahagi ng ayuda.






