AGUSAN DEL SUR- PATAY ang isang hinihinalang kasapi ng rebeldeng New People’s Army (NPA) matapos makasagupa ang militar, iniulat nitong Linggo, Marso 9 sa probinsyang ito.
Kinilala ang nasawi na si Arnel Dator alyas Darwin, na sinasabing kasapi ng Sub-Regional Centro De Gravedad Southland (SRSDG-SL) ng North Eastern Mindanao Regional Committee (NEMRC).
Batay sa report ng 4th Division Reconnaissance Company ng 4ID, naganap ang engkwentro noong Marso 4, 2025 sa Sitio Banal in Barangay Magsaysay, sa bayan ng Prosperidad.
Sa pahayag ng PA 4ID, nagsasagawa sila ng operasyon sa nasabing lugar ng makasagupa ang rebeldeng grupo at tumagal na 39-minuto ang palitan ng putok na ikinasawi ni Dator.
Narekober ng militar sa lugar ng pinangyarihan ng engkwentro ang mga armas, subersibong dokumento at iba pang kagamitan at tinurn-over sa pulisya para sa imbestigasyon.
Kinabukasan muling nagkasagupa ng Philippine Army’s 65IB at nasa 15 miyembro ng komunistang grupo sa Barangay Tubigon, Sibagat, Agusan del Sur.
Subalit, makalipas ang ilang minutong putukan ay mabilis na tumakas ang mga rebeldeng grupo at nakuha ang mga armas, cellphone.
Samantala, sumuko naman ang kasapi ng komunistang grupo sa Bukidnon sa 8th Infantry Battalion.
Ayon sa PA 4ID, ang sumuko ay kinilalang si Boyang Lailay, kilala bilang alyas Boyaks o Doydoy, vice commander Sub-Regional Operations Command of Sub-Regional Committee 2 (SROC, SRC-5), noong Marso 1, sa bayan ng Impasug-ong.
Isinuko din nito ang 10 high-powered firearms, kabilang ang M60 machine gun at siyam na M16 rifles.
Habang tatlo naman dating miyembro ng Guerilla Front 88 mula SRC, NCRMC ang sumuko sa 8th IB, kasama ang kanilang mga armas.
Sinabi pa ng PA 4ID na 7 pa ang sumuko sa militar sa magkakahiwalay na mga lugar sa Carmen, Surigao del Sur; Bayugan, Agusan del Sur; at Gigaquit, Surigao del Norte, bitbit ang kani-kanilang mga armas.
Ang mga sumuko ay kinilalang sina Crystal Malaya Sagbigsal, Jerry Orvoc Manliguis, Militia ng Bayan members Gilbert Quiñonez Azarcon at Vangelyn Alimbuyong, Marjun Tumambad Gubay, Firmin Villatura Iligan at Rodel Enano Hidi.
Matatandaan na noong nakalipas ng buwan ng Pebrero,nasawi sa engkwentro ang mataas na lider ng NPA na si Myrna Sularte alias Maria Malaya, sa bulubunduking bahagi ng Sitio Tagulahi, Barangay Pianing, Butuan City, Agusan del Norte.
Ganun din ang dalawang mataas na opisyal ng RSDG, NEMRC, na sina Larry Garcia, alias Joven, commanding officer at kanyang vice commanding officer na si alias Gaga/Garing.
“The deaths of key leaders within the Communist Terrorist Group (CTG) have weakened their ranks, prompting more members to abandon their lost cause. Therefore, to those who remain, I urge you to surrender now. Lay down your arms and choose peace. The 4th Infantry Division (4ID) is prepared to assist you in reintegrating, reuniting with your families, and rebuilding your future,” ani Major General Michele Anayron Jr., 4ID commander. Mary Anne Sapico