Home HOME BANNER STORY ‘Monster ship’ ng Tsina sa PH EEZ layuning manakot ng mga mangigisdang...

‘Monster ship’ ng Tsina sa PH EEZ layuning manakot ng mga mangigisdang Pinoy – PCG

MANILA, Philippines- Sinabi ng Philippine Coast Guard (PCG) na isang pakana upang takutin ang mga mangingisdang Pilipino ang presensya ng “monster ship” ng China Coast Guard sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng bansa.

Sa ulat, natukoy ng PCG ang tinatawag na “monster ship” ng China Coast Guard sa loob ng 54 nautical miles ng Capones Island sa labas ng baybayin ng Zambales sa pamamagitan ng paggamit ng dark vessel detection technology mula sa Canada.

Idineploy naman ng PCG ang BRP Cabra at ang Caravan reconnaissance aircraft upang harangun at subayabyan ang Chinese vessel na may registration number na 5901.

Nakumpirma ng PCG ang presenysa ng barko ng China sa Bajo de Masinloc ng alas-5 ng hapon noong Sabado.

Ayon sa PCG, nanatiling nasa loob ng EEZ ng Pilipinas ang “monster ship.”

Nanatili naman ang BRP Cabra na nakaistasyon sa lugar.

Naispatan din ang parehong barko noong Hunyo malapit sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

Ang “monster ship” ng China ay limang beses na mas malaki kaysa BRP Tersa Magbanua at Melchora Aquino na pinakamalaking barko ng PCG. Jocelyn Tabangcura-Domenden