Home OPINION BANTAY-DISGRASYA SA BIYAHE AT PAPUTOK

BANTAY-DISGRASYA SA BIYAHE AT PAPUTOK

HUHUPA na mula sa araw na ito ang pagbiyahe nang malayuan ng milyones na mamamayan kaugnay ng Pasko at Bagong Taon.

Papalitan na ito ng mga normal na biyahe papuntang mga trabaho, eskwela at iba pa.

Kaya lang, dahil may mga pagbiyahe pa ring malayuan, dapat bantayan pa rin natin ang galaw ng mga sasakyan, panlupa, pandagat o panghimpapawid man.

Kung pasahero tayo ng alinman sa mga sasakyang ito, alalahaning may mga karapatan tayong sumita sa mga pangyayaring posibleng pagmulan ng mga disgrasya gaya ng overloading, nagkadepektong sasakyan, lasing na driver, piloto at iba pa, violation sa traffic rules

Kasama sa mga binabantayan din ang galaw rin ng mga awtoridad…kung nakapwesto pa sila sa itinayong bantay-biyahe na mga lugar, lalo na sa mga delikadong lugar gaya ng mga kurbada, may ginagawang kalsada, bangin at iba pa.

At kung nakahanda pa rin sila sa mga emergency na gawain para sa mga kalsada, airport, pier at gitna ng karagatan.

11 PATAY SA 638 DISGRASYA SA KALSADA

Nagpapasalamat ang ating Uzi na walang naiuulat na nadisgrasyang mga eroplano, barko at bangkang pampasahero ngayong taon hanggang kahapon.

Tanging sa disgrasya sa kalsada merong nasawi at 11 sila lahat, kasama ang 4 na biktima ng banggaan ng dalawang van sa Davao City kahapon lamang.

Sa lahat ng disgrasyang 639, malamang na mahigit 639 ang nasugatan mula sa maliliit na sugat hanggang seryosong sugat, kasama ang pagkabali ng mga buto sa iba’t ibang parte ng katawan.

Sa North Luzon Expressway lang noong Disyembre 24, 2024, 31 ang nasugatan habang isa ang patay nang umikot at humiga ang isang minibus sa parteng City of San Fernando, Pampanga.

Sa mga motorsiklo, kung minsan, tatlo ang sakay ng isang single na motorsiklo.

Ayon sa Department of Health, 117 ang insidenteng nakainom o lasing ang tsuper, 553 ang walang suot na safety gear gaya ng mga helmet at seat belt, lumabag sa traffic rules, kasama ang overspeeding, at nasa 452 ang motorsiklong sangkot.

Bagama’t 11 lang ang nasawi, hindi biro-biro ang mga seryosong sugat na karaniwang pinagkakagastusan ng daang libo hanggang milyong piso.

Sa gastos na ganyan, hindi lang bulsa ang bumabaligtad kundi tumataob mismo ang kaldero.

3 PATAY, 771 SUGATAN SA PAPUTOK

Hanggang kahapon din, may tatlong naitalang patay habang mahigit sa 770 ang nasugatan sa paputok.

Sa mga nasugatan, may naputulan ng daliri, may nabulag, nasunugan ng balat at iba pa.

Kapag naputulan ka ng daliri o buong kamao o nabulag ka, baka hindi na lang sa kangkungan ka pupulutin.

Wala kang mapasukang matinong trabaho at sahod at magdedepende ka sa ayuda na galing mismo sa iyo at iba pang mamamayan pero inaangkin ng mga pulitiko ngayong halalang 2025.

Madaragdag ka pa sa milyon-milyong miyembro ng 4Ps at baka habambuhay ka nang ganyan.

Sana hindi na madagdagan ang mga nadidisgrasya rito, lalo’t sunod-sunod pa rin ang mga okasyon na may gumagamit ng paputok gaya ng selebrasyon sa Sto. Niño at Chinese New Year ngayong Enero.

Magbantay at umiwas po tayo sa lahat ng mga disgrasya sa sasakyan at paputok.