BULACAN, Philippines – Arestado ng mga awtoridad ang isang 68 anyos na lalaking Most Wanted Person (City level) sa bisa ng Warrant of Arrest (WOA) sa lungsod San Jose Del Monte (SJDM) nitong hapon ng Enero 16.
Sa ulat ni PLTCOL Reyson Bagain, hepe ng SJDM police station, kinilala ang naarestong akusado na si alyas “Lito”, residente ng Brgy. Muzon East.
Ayon sa ulat, isinilbi ang WOA ng mga operatiba ng SJDM police station katuwang ang 301st Maneuver Company at RMFB 3 sa akusado bandang 5:05 ng hapon sa nasabing lugar.
Nabatid na ang WOA sa kasong Statutory rape na may dalawang bilang ay inisyu ng Regional Trial Court, Branch 5FC, SJDM noong Disyembre 19, 2025 na walang inirekomendang piyansa.
Sinasabing alinsunod sa kautusan ng kinauukulan, gumamit ng Body-Worn camera ang mga operatiba sa isinagawang operasyon.
Dinala ang akusado sa Custodial Facility ng istasyon para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon. (Dick Mirasol III)