MANILA, Philippines – Ibinasura ng Sandiganbayan Third Division ang mosyon ni dating Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. na ipa-inhibit si Associate Justice Karl Miranda sa pagdinig ng P92.8-milyong malversation case na may kaugnayan sa umano’y ghost flood control project sa Pandi, Bulacan.
Sa resolusyong may petsang Setyembre 24 at inilabas nitong Martes, Setyembre 29, sinabi ng anti-graft court na walang merito ang mosyon at “Justice Miranda must therefore proceed with his duty to sit and hear the subject case.”
Iginiit ni Revilla na dapat ma-inhibit si Miranda dahil abogado ang kapatid nitong si Buenaventura Miranda na kumatawan kay dating Public Works Undersecretary at state witness Roberto Bernardo. Gayunman, sinabi ng korte na walang ipinakitang ebidensya si Revilla na may ginawang iregularidad si Justice Miranda.
Ayon sa Sandiganbayan, si Bernardo ay hindi partido sa kaso kundi testigo, at ang prosekusyon, hindi si Atty. Miranda, ang nagharap sa kanya bilang saksi.
Tinanggihan din ng korte ang pahayag ni Revilla na itinuring ni Miranda na “gospel truth” ang testimonya ni Bernardo matapos kumontra ang justice sa desisyong nagbigay ng piyansa kay Revilla.
Sinabi ng korte na ang hiwalay na opinyon ni Miranda ay nakabatay rin sa testimonya ng iba pang mga saksi at documentary evidence ng prosekusyon. Ang kanyang hindi pagsang-ayon sa desisyon ng mayorya ay nagpapakita lamang ng pagkakaiba sa judicial interpretation at pagsusuri sa ebidensya.
Binigyang-diin ng Sandiganbayan na ang adverse rulings, nang walang iba pang ebidensya, ay hindi sapat upang patunayan ang bias o partiality ng isang hukom.
Nahaharap si Revilla sa malversation case kaugnay ng umano’y P92.8-milyong ghost flood control project sa Barangay Bunsuran, Pandi, Bulacan, kung saan sinasabing nailabas ang pondo para sa isang proyektong hindi naman aktuwal na naitayo. RNT/MDS