MANILA, Philippines – Nakatakdang maghain ngayon ang Prosecution panel ng Motion Seeking for Clarification sa Senate Impeachment Court na humihingi ng paglilinaw o paliwanag kaugnay sa inaprubahan at pinagbotohang mosyon ng Senate Impeachment Judges.
Sa isang press conference, sinabi ng isa sa prosecutors na si Batangas Rep. Jinky Luistro na hindi isyu ang unang mosyon ukol sa ika-apat na impeachment complaint na siyang inakyat sa Senado sa pagsasabing tinupad at sinunod ng mga kongresista ang nakasaad sa Saligang Batas sa pag-aakyat ng impeachment case sa Senado.
“Medyo ang prosecution panel po ay nalalabuan dito sa naging order ng impeachment court kagabi. So we resolve to seek the clarification from the impeachment court. With respect to the first order about the certification pertaining to our compliance to the constitution in filing the impeachment complaint, we maintain our position, sumunod po kami fully and strictly to the requirement of the Constitution,” ani Luistro.
Sa ikalawang mosyon sa Senado na sa 20th Congress na talakayin ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ay sinabi ni Luistro na “It is impossible to be complied with because first of all 20th Congress does not exist yet.”
Subalit iginiit ni Luistro na ang mga aksyong ito ng Senado ay palatandaan aniya na tuluy-tuloy na ang impeachment trial at wala na aniyang makapipigil pa dito dahil, “jurisdiction has been acquired already by the impeachment court over the person or the respondent.”
Sa panig naman ng Lead Prosecutor at Minority Leader Rep. Marcelino Libanan na sa ngayon ay hindi pa nila natatanggap ang order mula sa Senado at aniya’y pag-aaralan ng prosekusyon ang nilalaman nito kapat natanggap na ng House Secretary-General.
Aniya, ito rin ang kauna-unahan sa kasaysayan na ibibalik ng Senado sa Prosekusyon ang Article of Impeachment na aniya’y nagbubunga ngayon ng kalituhan sa panig ng mga kongresista.
“Itong nangyari dito ay hindi isang ordinaryong impeachment, 215 House members who signed in the impeachment complaint kaya first time itong nangyari na may returned sa atin kaya mangangailan po tayo ng clarification dito bagama’t prosecutors po kami at judges po sila ay naguguluhan pa rin kami at hindi namin maintindihan kung bakit po ito ibabalik sa amin,” ani Libanan.
Subalit positibo pa rin aniya ang mga aksyong ito dahil nangangahulugan na buhay na buhay ang kaso, hindi siya dismissed at hindi rin aniya terminated. Meliza Maluntag