MANILA, Philippines- Isang bagong modus operandi ang nabuking kung saan kunwaring nakikipagtagpo ang isang ka-textmate na hahantong sa pagtangay ng motorsiklo, kung saan isang driver ang sinaksak matapos nabitag sa bagong modus sa Bacoor City, Cavite.
Kasong Attempted Murder, RA 10883 (Anti-Carnapping Law) at paglabag sa Sec. 11 of RA 9165 (Possession of Dangerous Drugs) ang isinampang kaso laban kay alyas ‘John’, 37, gayundin sa karelasyon nitong si alyas ‘Jenny’, kapwa residente ng Brgy. Niog, Bacoor City, Cavite habang pinaghahanap naman ang isang alyas ‘Toto’ ng Brgy. Zapote 3, Bacoor City.
Ginagamot naman sa ospital ang biktimang si alyas ‘Brendon’, 24, na siyang driver, dahil sa tinamong saksak sa tagiliran.
Base sa report, magka-textmate ang biktima at si alyas ‘Jenny’ at nagkasundong magkikita sa Brgy. Niog, Bacoor City, Cavite dakong ala-1:10 ng madaling araw,
Iniwan ng biktima ang kanyang motorsiklo at habang naglalakad patungo sa bahay ni alyas Jenny, sumulpot si alyas ‘John’ at walang sabi-sabing sinaksak sa tagiliran ang biktima saka tinangay ang nakaparadang motorsiklo nito.
Kasalukuyan namang nagsasagawa ng pagpapatrolya ang mga barangay tanod sa lugar at naabutan ang duguang biktima habang si alyas ‘Jenny’ ay napigilang makaalis.
Dito napag-alaman na si alyas ‘John’ at alyas ‘Jenny’ ay magkarelasyon at pinaniniwalaang modus nila ito kaya napilitang tawagan ng babae ang lalaki na nagresulta sa pagkakaaresto kay alyas ‘John’ at narekober ang kutsilyong ginamit sa pananaksak at isang gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P6,800 na nakabalot sa isang tissue paper.
Nalaman din na ang motorsiklo na tinangay ni alyas ‘John’ ay naibenta sa isang alyas ‘Toto’ sa Brgy. Zapote 3, Bacoor City, Cavite.
Dinala ang dalawang suspek sa istasyon ng pulisya habang nagsasagawa naman ng manhunt operation laban kay alyas ‘Toto.’ Margie Bautista