Home METRO MPD handa na sa selebrasyon ng Araw ng Kalayaan

MPD handa na sa selebrasyon ng Araw ng Kalayaan

MANILA, Philippines – Kasado na ang Manila Police District (MPD) para sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan bukas, Hunyo 12.

Ayon kay MPD Director P/Brig.General Arnold Thomas Ibay, lahat ng kapulisan sa Maynila ay naka-full alert na.

Nasabihan na rin aniya ang lahat ng kapulisan na maghanda sa deployment ng maagang-maaga bukas para sa preparasyon ng wreath laying ceremony at sa hapon naman ay ang gagawing parada.

Sinabi ni Ibay na maraming aktibidad ang gaganapin sa Quirino Grandstand simula ngayong araw, Hunyo 11 kaya tuloy-tuloy ang pagsisiguro sa lugar.

Nag-anunsyo na rin aniya na magkakaroon ng road closure sa mga daanan o patungong Quirino Grandstand sa Luneta.

May mga naka-duty rin aniyang tutulong sa mga motorista kung saan sila dadaan. Ngunit ipinaalala sa publiko na iwasan ang mga isinarang kalsada upang hindi maabala.

Ayon pa kay Ibay, bukod sa mga kapulisan ay katuwang din sa pagpapanatili ng kaayusan at seguridad sa aktibidad ang Philippine Coast Guard (PCG) kung saan may mga idedeploy na K-9 units, Bureau of Fire Protection at ibat-ibang ahensya ng gobyerno at lokal na pamahalaan. Jocelyn Tabangcura-Domenden