Home NATIONWIDE Trade deficit bumaba noong Abril

Trade deficit bumaba noong Abril

MANILA, Philippines – Bumaba ang trade deficit ng bansa ng 1.5 percent nitong Abril, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Sa datos na inilabas ng PSA nitong Martes, Hunyo 11, lumabas na ang balance of trade in goods o pagkakaiba sa value ng exports at imports ay nakapagtala ng deficit na USD4.7 billion mula sa USD4.8 billion noong Abril 2023.

Ang total export naman ay tumaas ng 26.4 percent sa USD6.22 billion mula sa USD4.92 billion sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.

Patuloy na top exports ng bansa ang electronics products sa total value na USD3.5 billion, mas mataas ng USD891 million mula sa USD2.6 billion exports noong Abril 2023.

Nasa 57.4 percent ng total exports ng bansa sa naturang buwan ang mga electronic product.

Sinundan ito ng manufactured goods na may export value na USD331.30 million, at iba pang mineral products sa USD287.65 million.

May pinakamataas na export value ang Hong Kong sa USD1.03 billion, o nasa 16.5 percent ng total exports ng bansa.

Ang iba pang major export trading partners ng Pilipinas ay ang United States of America, Japan, People’s Republic of China, at Korea.

Samantala, ang total value ng imported goods ay umabot sa USD10.98 billion, mas mataas ng 12.6 percent kumpara sa USD9.75 billion noong nakaraang taon.

Naitala ng electronic products ang pinakamataas na import value sa USD2.32 billion, sinundan ng mineral fuels lubricants at related materials, at transport equipment.

“People’s Republic of China was the country’s largest supplier of imported goods valued at USD3.15 billion or 28.7 percent of the country’s total imports in April 2024,” ayon sa PSA.

Ang iba pang malalaking sources of imports ng Pilipinas ay ang Indonesia, Japan, Korea, at Estados Unidos. RNT/JGC