NASA Pinas na ang mpox na nakamamatay at idineklara na ng World Health Organization na isang world health emergency.
Ang pasyente, isang 33 anyos na lalaki at nasa isang ospital ngayon ng gobyerno habang ginagamot at pinag-aaralan kung Clade 1 o Clade 2 ang virus ng mpox na kumapit dito.
Clade ang tawag sa grupo ng organism o virus ng isang sakit mula sa daga, unggoy at iba pang hayop.
Pinag-aaralan na kung bakit nahawaan ang pasyente ng mpox samantalang hindi pa ito nakalabas ng bansa.
Nitong 2022, idineklara ang mpox, pangunahing Clade 2, na global health emergency nang umabot sa mahigit 100, 000 ang nagkasakit nito sa nasa 116 bansa, kasama ang Pilipinas.
Clade 1 naman ang bagong mpox.
SEX SA LALAKI AT LALAKI NAGMUMULA
Ang Clade2, pinag-aralan sa Madrid, Spain at lumitaw na sa mahigit 500 pasyente, 99% ang lalaki.
Sa pakikipag-sex ng lalaki sa lalaki nang walang condom at paiba-ibang mga partner ang bumuo ng 93% ng mga pasyente at pakikipag-sex sa mga babae at iba pa ang bumuo ng 7%.
Naganap ang hawaan pangunahin sa mga sex party at sauna massage parlor.
Itong Clade 1 na bagong kumakalat ay nagmula sa Democratic Republic of Congo at nakita na sa Sweden at Pakistan.
Nahahawa na rin ang mga babae at bata at hindi lang mga lalaki sa Clade 1 kaya iba ang Clade 1 sa Clade 2 at madaling makahawa ang una.
Sa Clade 2, sa bawat 20,000 biktima, nasa 1,200 ang namamatay.
Pinag-aaralan pa ang bagsik ng Clade 1 subalit may mga namamatay na rin dito.
BAKUNA AT KALIDAD NG BUHAY
Sa Africa na pinagmulan ng mpox, sinasabing madaling kapitan ang mga Afrikano kaysa sa ibang bansa, lalo na ang mga mayayaman.
Karaniwang mahihirap ang taga-Africa at mas marupok ang kanilang katawan sa kakulangan ng sapat at masustansyang pagkain kumpara, halimbawa, sa mga mamamayan sa Amerika at Europa na may sapat at masusutansyang pagkain.
May pagbabakuna na sa maraming tao sa Amerika at Europa habang wala pa sa Afrika.
Paano ang sa Pinas?
May bakuna na laban sa mpox pero kokonti naman.
Nagkaroon ng mpox vaccine laban sa nakaraang emergency pero hindi naitusok lahat at sinasabing na-expire na lang ang mga ito at sinisiguro ng Department of Health na hindi ituturok ang mga ito sa sinomang bagong pasyente o gustong mabakunahan nito.
ANG HAWAAN
Unang dapat malaman ang itsura ng mpox at palatandaan dito.
Parang small pox din ito na itim, nagtutubig at pumuputok sa huli.
Pero ang isa sa mga babantayan ay kung magsimula ito sa ari at puwet at palibot ng ari at puwet.
Nahahawa ang tao sa direktang kontak sa may sakit, paghawak sa mga hayop, kasama ang daga, damit at higaan.
May kasamang lagnat, sakit sa ulo, pananakit ng katawan at likod, panghihina at pagkakaroon ng mga bukol gaya nga ng nakikita sa small pox.