Home NATIONWIDE MRT, LRT-2 may libreng sakay sa June 12

MRT, LRT-2 may libreng sakay sa June 12

MANILA, Philippines – Inanunsyo ng pamunuan ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) at Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) na magbibigay ito ng libreng sakay sa mga piling oras bukas, Hunyo 12.

Ipinagdiriwang tuwing Hunyo 12 ang Araw ng Kalayaan.

Magkakaroon ng libreng sakay sa MRT-3 at LRT-2 mula alas-7 ng umaga hanggang alas-9 ng umaga, at mula alas-5 ng hapon hanggang alas-7 ng gabi.

“Ang Libreng Sakay ay simpleng paraan ng DOTr [Department of Transportation] at MRT-3 upang gunitain ang Araw ng Kalayaan na isang napakahalagang okasyon sa ating pagkabansa,” saad sa pahyag ni DOTr Assistant Secretary for Railways at MRT-3 Officer-in-Charge Jorjette Aquino.

“Ito rin po ay isang paalala at panawagan sa ating mga kababayan na patuloy na pangalagaan at ipagtanggol ang ating kalayaan na pinag-alayan ng buhay ng ating mga bayani,” sinabi pa ni Aquino.

“Sa bahagi po ng MRT-3, patuloy na magsusumikap ang linya na magbigay ng maayos, ligtas, at maaasahang transportasyon sa ating mga pasahero,” dagdag pa niya. RNT/JGC