MANILA, Philippines — Umakyat ng ₱39.36 milyon ang koleksyon ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) sa loob lamang ng isang taon
Inilahad ni MTPB Director Dennis Viaje ang datos sa flag raising ceremony ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila nitong Lunes ng umaga, Agosto 24, 2026, na ginanap sa Kartilya ng Katipunan.
Batay sa kanyang ulat, nakapagtala ang MTPB ng ₱147,426,353.75 na koleksyon mula Hulyo 2025 hanggang Hunyo 2026, kumpara sa ₱108,063,422.12 na nakolekta mula Hulyo 2024 hanggang Hunyo 2025.
Katumbas ito ng ₱39,362,931.63 na dagdag o 36.42 porsiyentong pagtaas sa kita ng bureau.
Kapansin-pansin ang paglago ng koleksyon dahil hindi naman nadagdagan ang lawak ng Maynila. Sa halip, nabawasan pa umano ang ilang parkable areas dahil may mga negotiable spaces na kailangang gawing available sa publiko.
Sa kabila nito, nagawa pa ring mapataas ng MTPB ang nakokolektang kita ng lungsod.
Ipinakita ng datos na hindi lamang sa dami ng parking areas nakasalalay ang kita ng lungsod kundi maging sa maayos, masinop at episyenteng pamamahala sa mga ito.
Mahalaga rin, ayon sa pamahalaang lungsod, na ang mga pondong dapat makolekta ay aktuwal na pumapasok sa kaban ng bayan at nagagamit para sa mga serbisyo at programa para sa mga Manileño.
Ang MTPB ay kabilang sa mga departamento at tanggapan ng lungsod na kinilala dahil sa positibong kontribusyon sa kita ng Maynila.
Sa patuloy na pagpapahusay ng pangongolekta at pamamahala, layunin ng lungsod na matiyak na bawat pisong nakokolekta ay maibabalik sa mamamayan sa pamamagitan ng mas mahusay na serbisyo. JAY Reyes