MANILA, Philippines — Agad na ipinag-utos ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) ang pagtigil sa tungkulin ng isang traffic enforcer matapos umano itong masangkot sa ilegal na paniningil o “kotong” sa isang traffic violator.
Batay sa memorandum na may petsang Agosto 24, 2026, ipinag-utos ni MTPB Officer-in-Charge Dennis P. Viaje ang Cease and Desist Order laban kay T/E John Brian Yabut ng Traffic Sector 5.
Nakasaad sa kautusan na ipinatupad ito alinsunod sa “One-Strike Policy” ng MTPB laban sa mga traffic personnel na nasasangkot sa paglabag sa kanilang tungkulin.
Ayon sa memorandum, inakusahan si Yabut ng Illegal Exaction o “Kotong” laban sa isang traffic violator na kanyang inaresto o nahuli.
Dahil dito, itinuring ng MTPB na hindi na angkop ang kanyang serbisyo bilang traffic enforcer at inatasan siyang agad na itigil ang lahat ng kanyang nakatalagang tungkulin.
Inatasan din siyang isuko ang kanyang Official Violation Receipt (OVR), identification card, handheld radio at body camera, kung mayroon, sa Chief for Operations ng MTPB para sa kaukulang disposisyon.
Iginiit sa kautusan na ang naturang insidente ay hindi lamang nakaaapekto sa moral at samahan ng mga kawani ng MTPB kundi nagdulot din umano ng kahihiyan sa buong organisasyon.
Samantala, ipinakita ng naturang hakbang ng MTPB ang mahigpit na pagpapatupad ng One-Strike Policy laban sa mga traffic enforcer na mapapatunayang lumalabag sa kanilang tungkulin. JAY Reyes