Home NATIONWIDE MTRCB nanindigan sa suspensyon vs SMNI

MTRCB nanindigan sa suspensyon vs SMNI

MANILA, Philippines – Dumipensa ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) sa naging desisyon nito na suspendihin ang dalawang programa ng Sonshine Media Network International (SMNI) na kanila umanong ginawa bilang proteksyon sa mga manonood.

Matatandaan na sinuspinde ng MTRCB ang programa ng SMNI na “Gikan sa Masa, Para sa Masa” at “Laban Kasama ang Bayan.”

Ang SMNI ay pagmamay-ari ng kontrobersyal na tele-evangelist na si Pastor Apollo Quiboloy.

Sa naganap na pagdinig sa Kamara, sinabi ni MTRCB Chairperson Lala Sotto na may mandato ang ahensya na suriin ang mga programa.

“MTRCB’s mandate is to protect viewers from inappropriate content, more so on television where viewers of all ages have unadulterated access,” pahayag ni Sotto.

“Grounded in the principles of due process and fairness, our resolve to enforce accountability in media content regulation is resolute,” dagdag pa nito.

Noong Disyembre, ipinatupad ng MTRCB ang 14-araw na preventive suspension laban sa “Gikan sa Masa, Para sa Masa” kaugnay ng pagbabanta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kay ACT Teachers Rep. France Castro, at ang “Laban Kasama ang Bayan” kung saan host sina Jeffrey “Ka Eric” Celiz at Lorraine Badoy.

Matapos ang ginawang pagrepaso, nagdesisyon ang MTRCB na palawigin ang suspensyon dahil sa paglabag ng mga programa sa Presidential Decree No. 1986.

Naghain ng mosyon ang SMNI noong Enero 11 subalit ibinasura ito at sa halip na 14 araw ay ipinataw ang 28 araw na suspensyon. Gail Mendoza

Previous articleMag-asawa patay, anak kritikal sa maingay na kapitbahay
Next article1,104 indemnity checks, naibigay sa OFWs na nawalan ng trabaho sa Saudi – solon