Home METRO Mag-asawa patay, anak kritikal sa maingay na kapitbahay

Mag-asawa patay, anak kritikal sa maingay na kapitbahay

PINAMUNGAJAN, Cebu- PATAY ang mag-asawa habang kritikal ang anak nilang babae matapos silang barilin ng kanilang kapitbahay na sinaway na maingay habang nag-iinuman nitong Martes, Pebrero 6 sa bayang ito.

Kinilala ang mga nasawi na sina Artemio Hernani Traya, 48, misis na si Sarlina, 47, habang patuloy na ginagamot sa ospital ang anak nilang si Chyra Esguerra Traya, 22.

Tinugis naman ng pulisya ang mga suspek na kinilalang sina Arnold Villamor Ignario at Arnie Baron Ignario, kapwa nasa hustong gulang at lahat ay residente ng Sitio Rattan, Barangay Sacsac, Pinamungajan.

Ayon kay Major Gilfred Baroman, hepe ng Pinamungajan Police Station, bandang 11:00PM nang maganap ang krimen sa nasabing lugar.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, natutulog ang pamilya Traya nang magising dahil sa ingay ng mga suspek na nag-iinuman.

Dahil dito, lumabas ng bahay si batang Traya kasama ang kinakasama nitong si Charlie Diacamus Candelasa, 25, at sinabihan ang mga suspek na huwag silang maingay dahil natutulog na sila maging ang iba pa nilang kapitbahay at magha-hatinggabi na.

Sa halip na makinig ang mga suspek, nagalit ang mga ito na nauwi sa mainitang pagtatalo hanggang sa bumunot ng baril si Arnold at pinaputukan si Charlie pero hindi ito tinamaan.

Sunod naman na binaril si Chyra na tinamaan sa tiyan at tinangka pa sanang umawat ang mga magulang nito pero maging sila ay binaril sa dibdib na naging sanhi ng agaran nilang kamatayan.

Matapos ang krimen, mabilis naman tumakas ang mga suspek sa hindi malamang direksyon habang dinala sa ospital si Chyra para lapatan ng lunas ang tinamo nitong sugat. Mary Anne Sapico

Previous articleP265M pondo laan sa mga biktima ng baha, landslide sa Davao
Next articleMTRCB nanindigan sa suspensyon vs SMNI